Gasolinahan sa Cavite hinoldap; 3 suspek nasilat sa Parañaque

Fuel Oil

NADAKIP  sa lungsod ng Parañaque ang tatlong lalaking suspek sa pagnanakaw sa isang gasolinahan sa lungsod ng Bacoor, sa lalawigan ng Cavite, nitong Linggo, 8 Nobyembre.

Ayon sa Bacoor CPS, wala pang dalawang oras matapos ang insidente ay nasukol nila ang mga suspek na nag-check in sa isang apartelle sa Parañaque.

Sa kuha ng CCTV, makikitang naganap ang insidente ng panghoholdap dakong 11:00 ng umaga kahapon sa isang gasolinahan sa Brgy. Zapote 3, sa lungsod ng Bacoor.

Ayon sa empleyado ng gasolinahan, nagpakarga ng P100 halaga ng gasolina ang mga suspek na magkakaangkas sa isang motorsiklo.

Pagkabayad ng mga suspek, pumasok ang isa sa kanila sa booth ng gasolinahan saka tinutukan ng baril ang kahera at tinangay ang dalawang cellphone at kita ng gasolinahan.

Humingi ng tulong ang pump attendant na tinutukan din ng baril ng mga suspek nang akmang pupuntahan ang kanilang kahera.

Nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad na agad natukoy ang kinaroroonan ng mga suspek.

Ayon kay Bacoor CPS chief P/Lt. Col. Alexie Desamito, nakipag-ugnayan sila sa tactical operations center ng Parañaque CPS na i-secure ang lokasyon ng mga suspek nang matukoy nila ito.

Napag-alamang dalawang kuwarto ang nirentahan ng tatlong suspek sa apartelle.

Narekober mula sa mga suspek ang mga ninakaw na cellphone at cash na aabot sa P8,000.

Nasamsam rin mula sa kanila ang tatlong pekeng baril, mga helmet, bag, motorsiklong ginamit bilang getaway vehicle, at ilang sachet ng hinihinalang ilegal na droga.

Positibong kinilala ng kahera at pump attendant ang mga suspek base sa kanilang mga suot na damit at tsinelas na tumutugma rin sa kuha ng CCTV, habang itinanggi ng tatlong suspek ang krimen.

Bukod sa mga ninakaw na cellphones at pera, narekober din sa mga suspek ang ilang sachet ng hinihinalang ilegal na droga.

Nakatakdang sampahan ang mga suspek ng mga kasong robbery, paglabag sa RA 10195 o illegal possession of firearms, at paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.