Negosyante patay sa isang tama ng bala

Gun point

ISANG negosyanteng may pag-aaring water refilling station ang binaril at napatay nitong Sabado ng hapon sa Lumban, Laguna.

                Kinilala ang biktima sa alyas na Von, 40 anyos, may-ari ng Lavica Water Refilling Station na matatagpuan sa Rizal St., Barangay Primera Parang, Lumban, Laguna.

Sa ulat ng pulisya dakong 1:40 ng hapon nitong 7 Nobyembre 2026 nang maganap ang pamamaril sa tapat ng refilling station ng biktima sa nabanggit na lugar.

Unang nakatanggap ang Lumban MPS ng tawag sa cellphone mula sa isang concerned citizen hinggil sa insidente. Agad ipinadala ang mga tauhan ng estasyon at duty investigator para alamin ang pangyayari.

Nabatid sa inisyal na imbestigasyon, nakatayo ang biktimang si Von sa harap ng kanyang refilling station nang biglang dumating ang dalawang hindi kilalang lalaki sakay ng isang puting motorsiklong Yamaha Aerox.

Isa sa mga sakay nitong backrider ay biglang bumunot ng baril saka pinaputukan nang isang beses ang biktima.

Pagkabaril, nagmamadaling tumakas ang mga suspek patungo sa hindi tukoy na direksiyon na anila’y posibleng tumuloy alinman sa Kalayaan o Pagsanjan, Laguna.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. (RODERICK PALATINO)