Kalabaw lang ang tumatanda!
Doneza tumakbo ng 2,557 km sa edad 64

Running Inay Marlene Gomez Doneza

PINATUNAYAN ng 64-anyos na si Marlene Gomez Doneza ng Batangas City na hindi hadlang ang edad sa pag-abot ng pangarap matapos niyang makumpleto ang 2,557 kilometrong takbuhan mula General Santos City, South Cotabato hanggang Pagudpud, Ilocos Norte sa loob ng halos 58 araw.

Tinaguriang “Running Inay,” sinimulan ni Doneza ang kanyang Trans Pilipinas Endurance Run sa General Santos City, South Cotabato, at matagumpay na nagtapos sa Pagudpud nitong Oktobre 15, 8:15 ng umaga.

Sa loob ng halos 58 araw, araw-araw siyang tumakbo ng average na 43 kilometro upang maisakatuparan ang kanyang adbokasiyang tahakin ang mahabang ruta mula Mindanao hanggang sa hilagang dulo ng Luzon.

Masayang sinalubong si Doneza sa finish line ng mga kinatawan ng lokal na pamahalaan ng Pagudpud. Ginawaran siya ng medalya at bouquet ng mga bulaklak bilang pagkilala sa kanyang pambihirang tagumpay. Nakaalalay rin sa kanya ang mga miyembro ng Kabalikat Civicom sa kanyang pagdating sa finish line.

Maituturing na makasaysayan ang kanyang tagumpay, na ayon sa ulat ay kauna-unahang pagkakataon na isang Filipina senior citizen ultramarathoner ang matagumpay na tumahak sa rutang Mindanao-Luzon.

Hindi rin ito ang unang mahabang takbuhan ni Doneza. Noong 2025, tinakbo niya ang rutang Sorsogon hanggang Ilocos Norte na may habang 1,400 kilometro, na natapos niya sa loob ng 36 na araw.

Sa edad na 64, muling pinatunayan ni “Running Inay” na sa sipag, tiyaga at matibay na determinasyon, walang pinipiling edad ang pag-abot sa pangarap. (TOPS/HNT)