Choco Mucho, dinispatsa ang Zus Coffee

Sisi Rondina PVL AFC 2026 Choco Mucho vs Zus

ANTIPOLO — Todo-arangkada ang Choco Mucho Flying Titans matapos pataubin ang ZUS Coffee Thunderbelles sa tatlong set, 25-20, 25-17, 25-20, para sa ikalawang sunod na panalo at maagang pamumuno sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series nitong Huwebes sa Ynares Center.

Mula sa panalo sa Capital1 sa pamamagitan ng reverse sweep noong Sabado, muling ipinakita ng Flying Titans ang kanilang bangis at kontrolado ang laro mula umpisa hanggang dulo upang umangat sa 2-0 kartada.

Naging mahalaga ang ambag ni Eya Laure sa pagtatapos ng laban matapos pigilan ang tangkang paghabol ng Thunderbelles sa ikatlong set. Kumana siya ng tatlong puntos sa 7-2 ratsada ng Choco Mucho na nagpalobo sa kanilang kalamangan mula 17-16 tungo sa 24-18.

Bagama’t nakaiskor si AC Miner at nagmintis si Laure sa sumunod na atake, agad bumawi ang huli sa pamamagitan ng isang malakas na palo na tumama sa depensa bago bumagsak sa sahig para sa panalong puntos.

Ayon kay coach Dante Alinsunurin, naging susi sa tagumpay ang maayos na pagpapatupad ng kanilang mga ensayo at ang tamang adjustment laban sa malakas na middle attack ng kalaban.

Pinangunahan ni Sisi Rondina-Rosales ang opensa ng Flying Titans sa 15 puntos, pawang mula sa spikes, kahit ikalawang sunod na laro siyang nagmula sa bench.

Nag-ambag si Laure ng 13 puntos at siyam na excellent receptions, habang may walong puntos at pitong excellent digs si Kat Tolentino. Nagdagdag naman sina Jai Atienza at Caitlin Viray ng lima at apat na puntos.

Sa pagbuo ng opensa, nagtala si Alina Bicar ng 13 excellent sets, habang nagpakitang-gilas sa depensa si Dawn Catindig sa 14 excellent digs.

Mas naging dominante ang Choco Mucho sa attacks, 50-42, blocks, 6-2, at service aces, 3-1. Napanatili rin nila ang disiplina sa laro sa 12 errors lamang, kumpara sa 16 ng ZUS Coffee.

Bumagsak naman sa 0-1 ang Thunderbelles sa kanilang unang laro sa conference matapos ang offseason na nagdala kay Thea Gagate sa Denso Airybees ng Japan SV League.

Nanguna si Miner sa ZUS Coffee sa siyam na puntos, habang may tig-pitong puntos sina Zam Nolasco at Riza Nogales. Nagtala rin si Jolina Dela Cruz ng anim na puntos at 13 excellent receptions, habang anim na puntos din ang naitala ni Chai Troncoso.

Maghahanap ng unang panalo ang Thunderbelles kontra Capital1 sa Martes, alas-1 ng hapon, sa SM Mall of Asia Arena. Samantala, susubukan ng Flying Titans na pahabain pa ang kanilang winning streak sa susunod nilang laban kontra Farm Fresh sa Huwebes, alas-6 ng gabi, sa parehong venue. (PVL/HNT)