Letran, humataw sa SSL Unity Cup
Lady Knights, tinalo ang Lady Red Spikers

CSJL Lady Knights vs San Beda Lady Red Spikers Shakeys Super League SSL Unity Cup

HINDI nagpaawat ang Colegio de San Juan de Letran (CSJL) Lady Knights ng padapain ang San Beda University (SBU) Lady Red Spikers sa straight sets, 25-22, 25-14, 25-21, sa Shakey’s Super League (SSL) Unity Cup nitong Biyernes sa Rizal Memorial Coliseum.

Kumamada si Judiel Nitura ng 11 puntos upang pangunahan ang Letran, na lalo pang nag init sa third set matapos bumangon mula sa 16-19 pagkakaiwan at magpakawala ng matinding 7-0 run para tuluyang maagaw ang momentum.

Nag-ambag sina Kaizah Huyno at Gia Maquilang ng tig-walong puntos para sa Lady Knights, na nakapagtala ng ikalawang panalo sa tatlong laro at umangat sa ikalawang puwesto sa Pool A.

Sa kabilang banda, walang nagawa ang Lady Red Spikers upang pigilan ang ratsada ng Letran at tuluyang nalasap ang ikatlong sunod na pagkatalo.

Nanguna sa San Beda si Janelle Bachar na may 12 puntos, habang nagtala naman si Daisy Cagas ng siyam.

Target ng Letran na dagdagan pa ang panalo sa susunod nitong laro kontra University of Perpetual Help System DALTA upang makasiguro ng puwesto sa playoffs. (HNT)