MA at PA
ni Rommel Placente
TAMA si Aiko Melendez na si Onemig Bondoc na ang end game niya. Hayan nga at engaged na ang dalawa.
Nag-propose na ang huli sa una.
Nangyari ito sa Himlayang Pilipino na roon nakalibing ang urn ng tatay ni Aiko na si Jimi Melendez.
That time ay hindi mapakali ang gwapong aktor at napansin ito ni Aiko na hawak-hawak ang bouquet of white flowers na ibinigay ng kasintahan.
“Bakit ba? Anong nangyayari?” Tanong ni Aiko kay Onemig.
Maya-maya ay inilabas na ng dating aktor ang box ng singsing, sabay sabi ng “Hon, will you marry me? (sabay luhod) Hinihingi ko ang iyong (‘di natuloy ang kasunod na sasabihin kasi tawang-tawa na si Aiko).
“Oh my God!,” sabay takip ni Aiko sa kanyang mukha na tawang-tawa rin sabay hampas ng bulaklak sa boyfriend.
“Tito, pinukpok ako ng anak n’yo oh?” tumatawang sumbong ni Onemig sa puntod ng tatay ni Aiko.
Tumatawang naluluha si Aiko sabay tanong, “Seryoso ba ‘yan?”
“Ano sa tingin mo hindi? Ikaw akala mo laging nagpapatawa ako porke’t lagi lang ako naka-smile hindi alam kung kailan ako nagseseryoso,” reaksiyon ni Onemig habang nakaluhod ang kanang binti at si Aiko naman ay tawa pa rin nang tawa.
Muling inulit ni Onemig ang tanong na, “will you marry me” dahil nga tawa pa rin nang tawa si Aiko na sumagot din ng “Yes.”
Inabot na ni Uno ang kanang kamay ni Aiko at isinuot ang diamond ring habang tawang-tawa pa rin ang award-winning actress.
Ayon kay Uno, iniakyat na nila sa higher level ang kanilang relationship.
“Ayan guys it’s a big day for us kinakabahan ako thank you Direk (Tom) at binigyan mo ako ng lakas ng loob,” sabi niya sa direktor ng kanyang vlog.
“Oh my God direk Tom (sabay turo sa mga kasama), so, ano ‘to? Engaged na ako? I’m going to be Mrs. Bondoc soon!? Hahahaha! Guys I’m officially engaged!” reaksiyon ni Aiko sabay pakita ng singsing sa kamera pero hindi naman gaanong nakita.
Dagdag pa niya, “Sa rami nang nag-aantay, tayo rin pala sa huli (sabay hawak ni Aiko sa magkabilang pisngi na naiiyak sa tuwa).”
Hirit ni Onemig sa puntod ni Jimi, “From Tito to Daddy, thank you very, very much kasi dinala n’yo ang aking love of my life dito sa mundong ito. Kung hindi po dahil sa inyo hindi po mabubuhay si Aiko.
“So, thank you, thank you very much from the bottom of my heart.”
Habang sinasabi ito ni Uno ay hindi na napigilang hindi maiyak ni Aiko. “Wala akong masabi, hindi ako makapaniwala and yeah I’m soon to be Mrs. Bondoc.”
Tinanong ni Aiko kung nagpaalam na si Uno sa dalawang anak niyang sina Andre at Marthena na inoohan naman at hindi lang sa dalawa kundi pati sa mommy nitong si Mrs. Elsie Castaneda at mga kapatid nito.
Samantala, nagpasalamat naman si Uno sa mga nakapanood ng episode ng vlog niya na may titulong The Proposal na matagal niyang pinaghandaan na siya mismo ang nagyaya sa kanyang honey (tawag niya sa fiancée) na dalawin ang puntod ng ama dahil dito pala niya planong mag-propose.
Sumakto naman dahil taon-taon talaga dinadalaw ni Konsi Aiko ang puntod ng ama dahil kaarawan nito sa Oktubre 31 at mga ganitong petsa siya nagpupunta.
