Pulis-Malolos iniimbestigahan sa namatay na sinipang rider

Malolos Bulacan PNP police

KATARUNGAN ang sigaw ng pamilya ng isang rider na namatay sa isang insidente sa kalsada na kinasasangkutan ng isang pulis sa Barangay Sta. Isabel, lungsod ng Malolos, lalawigan ng  Bulacan.

Sa ulat, sangkot at kasalukuyang iniimbestigahan ang pulis na kinilalang si P/MSgt. Patric Nagal, miyembro ng Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) ng Malolos CPS.

Batay sa kuha ng CCTV at sa mga ulat, hinabol ni PMSgt. Nagal ang biktima na kinilalang si Angelo Mercado dahil walang suot na helmet at walang plaka ang minamanehong motorsiklo.

Nang maabutan, kita sa kuha ng CCTV na sinipa ng pulis ang motorsiklo ng biktima hanggang sumemplang ito sa kalsada.

Kasunod nito, narinig sa video ang pagmumura ng pulis sa nakahandusay na rider at pilit pinatatayo imbes agad na dalhin sa ospital.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima kaya nagsampa na ang kaniyang pamilya ng nararapat na reklamo laban sa pulis.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang buong detalye ng nasabing insidente. (MICKA BAUTISTA)