Alex Eala Wang Xiyu Asian Games

NAGOYA, JAPAN — Sa bronze medal nagwakas ang kampanya ni Alex Eala matapos siyang maungusan ni Wang Xiyu ng China, 3-6, 6-3, 6-2, sa semifinals ng women’s singles tennis ng 20th Asian Games.

Mabilis na kumawala si Eala sa unang set at nagtayo ng malaking 5-0 abante. Ngunit unti-unting nakabawi si Wang at kahit nakahabol, napanatili ng Filipina ang kalamangan para kunin ang unang set, 6-3.

Nagbago ang takbo ng laban sa second set nang makuha ni Wang ang kontrol sa palitan ng bola. Naging mas matatag ang depensa ng Chinese player at napantayan ang laban matapos ang 6-3 panalo.

Sa deciding set, muling naging agresibo si Wang habang nahirapang makahanap ng sagot si Eala. Tuluyang kumawala ang Chinese player at isinara ang laban sa 6-2.

Dahil sa semifinal finish, nakamit ni Eala ang bronze medal para sa Pilipinas, matapos ang matibay na kampanya sa singles event ng Aichi-Nagoya Asian Games.

Bagama’t hindi nakapasok sa finals, muling nakapagdagdag si Eala ng medalya para sa bansa sa pinakamalaking multi-sport event sa Asya. (POC Media Pool/HNT)