
QUEZON CITY — Pormal nang inilunsad nitong Huwebes, Oktubre 1, ang Gateway Art Fair 2026 sa pamamagitan ng Vernissage o VIP Opening and Ribbon Cutting sa Quantum Skyview, Upper Ground B, Gateway Mall 2 sa Araneta City.

Pinangunahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang seremonya, kasama ang mga kinatawan ng Araneta City, J. Amado Araneta Foundation (JAAF), Cultural Center of the Philippines (CCP) at National Commission for Culture and the Arts (NCCA).

Tampok sa ikalimang edisyon ng art fair ang mga likha ng mahigit 200 lokal na artista, art groups at galleries mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Bukod sa mga obra, tampok din ang mga live art demonstration at immersive installation na matutunghayan sa iba’t ibang bahagi ng Gateway Mall 2.

Inilunsad din sa okasyon ang kauna-unahang Gateway Art Fair Awards, na naglalayong kilalanin ang mga natatanging lokal na artista sa pamamagitan ng mga espesyal na tropeo at creative support grants.

Nagsimula ang programa sa pagtatanghal ng Quezon City Symphonic Band, bago isinagawa ang opisyal na Vernissage Program. Nagbigay ng pambungad na mensahe si J. Rowell L. Recinto, president ng JAAF, habang nagpaabot naman ng suporta si Mayor Belmonte.

Ipinakilala ni Gari R. Apolonio, curator ng Gateway Gallery, ang mga tampok na exhibitors, bago isinagawa ang Ribbon Cutting Ceremony na pinangunahan nina Belmonte, Dennis N. Marasigan ng CCP, Recinto, Maricel C. Diaz ng NCCA, artist Gerardo B. Jimenez, at Diane C. Romero, JAAF executive director.

Sinundan ito ng Gateway Art Fair Ceremonial Toast, bilang simbolikong pagdiriwang sa pagbubukas ng ikalimang edisyon ng art fair.

Nagsilbing host ng programa si Binibining Pilipinas International 2025 Katrina Anne Johnson.

Bukas sa publiko ang Gateway Art Fair 2026 hanggang Oktubre 4 at libre ang pagpasok. Isasagawa naman ang mga workshop at talakayan mula Oktubre 2 hanggang 4 sa Gateway Mall 1, katuwang ang University of the Philippines College of Fine Arts. (HNT)

