ARESTADO ang dalawang indibiduwal sa isang entrapment operation matapos ireklamo sa pang-i-scam ng pera nitong Sabado ng umaga, 26 Setyembre, sa lungsod ng Pasay.
Kinilala ni Pasay CPS chief P/Col. Joselito De Sesto ang mga suspek na sina alyas Celestine, 23 anyos, at alyas Leon, 29 anyos, nagpakilalang mga negosyante.
Dinakip ang dalawang suspek dakong 10:20 ng umaga kamakalawa sa Seaside Boulevard, Barangay 76, sa nabanggit na lungsod.
Ayon sa pulisya, nag-ugat ang operasyon sa reklamong inihain ng biktimang 30-anyos Chinese national, na hiningian ni alyas Celestine ng P130,000 at sinabing ito ay upang payagan ng kaniyang mga magulang ang kanilang relasyon.
Ayon sa biktima, una niyang binigyan ang suspek ng P80,000 noong Miyerkoles, 23 Setyembre, at P50,000 noong Biyernes, 25 Setyembre.
Nang muling humingi si alyas Celestine ng P10,000 noong Sabado ng umaga, nagtungo na ang biktima sa Pasay Police Sub-Station 10 at humingi ng tulong sa pulisya na siyang namuno sa entrapment operation.
Sa operasyon, ibinigay ng biktima ang markadong P10,000 kay alyas Celestine, hudyat upang siya ay arestohin.
Narekober ng pulisya ang marked money at isang cellphone mula sa pag-iingat ng suspek.
Samantala, sinabi ng pulisya na nagtangkang sabihan ni alyas Leon si alyas Celestine na tumakas, dahilan upang siya ay arestohin sa paglabag sa Presidential Decree No. 1829, o pagpigil sa pagdakip at prosekusyon ng mga suspek sa krimen.
Kapwa dinala ang dalawa sa Pasay CP Sub-Station 10 para sa dokumentasyon at pagproseso saka dinala sa Station Investigation and Detection Management Section para sa kaukulang aksiyon.
