MATABIL
ni John Fontanilla
IPINAKILALA kamakailan ng Puregold CinePanalo Film Festival 2026 ang 26 kalahok na orihinal na pelikula at ang kanilang mga natatanging tagalikha sa isang masiglang media conference na ginanap sa Quantum Skyview sa Gateway Mall 2, Araneta City.
Kasama ng mga batikang direktor at aktor na kalahok ngayong taon ang mga masigasig na baguhan at matatapang na naghahangad makilala sa industriya sa pamamagitan ng sari-saring genre ng pelikula.
Pinangunahan ng TV personality na si Migs Almendras, ang Puregold CinePanalo Film Festival mediacon ay nagsilbing daan para mas mapalapit ang mga sabik na kalahok sa kanilang multi-generational na audience.
Sa entablado, buong-pusong ibinahagi ng mga artista ang tungkol sa kanilang mga proyekto habang binigyan ang mga dumalo ng sulyap sa mga pelikulang tampok ngayong taon.
Dumalo para sa coming-of-age film na Apol of my Ai sina director Thop Nazareno at mga aktor na sina Zion Cruz at Rochelle Pangilinan.
Kinatawan naman ng producer na si Meg Bryan Bermudez ang fantasy film na Beast, kasama ang mga supporting cast nitong sina Candy Pangilinan, Karl Medina, Ruslan Jacob, at Dax Alejandro.
Ang tahimik ngunit makabagbag-damdaming drama na Mono No Aware ay kinatawan sa event ni director BC Amparado, producer Patricia Salic, at lead actor Juan Karlos Labajo.
Dumalo rin si director Rodina Singh para sa supernatural at proud queer film na Multwoh (Patay na Patay Sa ’Yo),” kasama ang mga aktor na sina Sassa Gurl, Joao Constancia, Phi Palmos, Gaia Poly, at Inah Evans.
Samantala, tampok sa otherworldly love story na Patay Gutom sina Khalil Ramos, Cris Villanueva, at Alwyn Uytingco, kasama ang co-directors na sina Carl Joseph Papa at Ian Pangilinan.
Sa romantic comedy na may nakamamatay na twist na Stuck on You, umakyat sa entablado si Mikko Baldoza kasama ang mga lead star na sina Xyriel Manabat at River Joseph.
At bilang panghuli, dumalo si director Joseph Abello upang ipakilala ang Wantawsan, ang kanyang “slice of life” comedy na may halong political dilemma.
Dumalo rin sa event ang 19 filmmakers na kalahok sa student shorts category ngayong taon. Mula sa iba’t ibang panig ng bansa, sabik ang bagong henerasyong ito ng mga boses sa mundo ng pelikula na mag-iwan ng marka sa nalalapit na festival.
“Every film in this year’s CinePanalo carries the passion of its creators,” pahayag ni Ivy-Hayagan Piedad, festival chair ng Puregold CinePanalo.
“Ang pagbibigay sa mga kuwentong ito ng plataporma kung saan mararanasan at mapapahalagahan ng audience ang mga ito ay paraan namin ng pagsuporta sa Filipino artistry at ambag sa patuloy na pag-unlad ng Philippine cinema.”
