NASAKOTE ng mga awtoridad ang isang babaeng pinaniniwalaang ‘lider’ ng pambubudol sa isang residente sa lungsod ng Baliwag, lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado, 19 Setyembre.
Naganap ang insidente dakong 3:00 ng hapon sa DRT Highway, Brgy. Pinagbarilan, sa nabanggit na lungsod.
Kinilala ang naarestong suspek na si alyas Ana, residente sa Brgy. Malabañas, Angeles City, Pampanga, habang patuloy na pinaghahap ang kaniyang kasabwat na si alyas Mar.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Eisbon Llamasares, hepe ng Baliwag CPS, base sa salaysay ng biktima, naglalakad siya patungo sa kaniyang sakahan nang huminto sa kaniyang tabi ang isang Honda CRV.
Napag-alaman na ang biktima ay nilapitan ng mga suspek at nagpanggap na kakilala ng kaniyang kapatid at sinabing magbibigay sila ng US$200 bilang sorpresa.
Hiniling ng mga suspek sa biktima na ilabas ang kaniyang dalang pera na nagkakahalaga ng P30,000, na umano ay pagsasamahin nila sa US$200 bilang “good-luck charm”.
Matapos maibigay ng biktima ang kaniyang pera, inutusan siyang tumalikod habang inilalagay umano ang pera sa kaniyang bulsa.
Matapos ito, nang suriin ng biktima ang laman ng kaniyang bulsa ay natuklasan niyang isang bundle lamang ng papel ang inilagay imbes ang per ana nakuha sa kaniya.
Agad humingi ng tulong sa Baliwag CPS ang biktima na nagsagawa g hot pursuit operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas Ana.
Nakatakas at patuloy ang paghahanap ng mga operatiba sa kanyang kasabwat na si alyas Mar.
Patuloy ang imbestigasyon at kaukulang dokumentasyon ng Investigation Section ng Baliwag CPS para sa pagsasampa ng nararapat na reklamo laban sa mga suspek. (MICKA BAUTISTA)
