Bokal ng Aurora, sekretarya  timbog sa kotong

Baler Aurora Police PNP

INARESTO ng mga awtoridad ang isang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng lalawigan ng Aurora at kaniyang sekretarya matapos ireklamo ng pangongotong ng isang negosyante sa bayan ng Baler.

Nadakip sa ikinasang entrapment operation ng mga tauhan ng Baler MPS dakong 12:55 ng tanghali nitong Biyernes, 18 Setyembre, ang suspek na si Indigenous People’s Mandatory Representative (IPMR) Provincial Board Member Randy Ogian Salo at ang kaniyang sekretaryang si Ronalyn Pasagian, pawang mga residente sa Brgy. Ditale, bayan ng Dipaculao, sa naturang lalawigan.

Isinagawa ang entrapment operation kaugnay ng reklamong may kinalaman sa sinasabing iregularidad sa pagbabayad ng mga serbisyo sa transportasyon na ginamit noong 2025 Indigenous Peoples Day.

Narekober ng pulisya mula sa mga suspek ang P260,000 cash sa operasyon.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Baler MPS ang naarestong bokal at kaniyang sekretarya, at ang mga piraso ng ebidensiya habang inihahanda na ang mga kasong paglabag sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act na isasampa laban sa kanila sa Office of the Provincial Prosecutor. (MICKA BAUTISTA)