Filipinas, handa sa matinding hamon sa Asian Games

Philippine Womens National Football Team

NAGOYA, JAPAN — Handang sumabak sa mabibigat na laban ang Philippine Women’s National Football Team o Filipinas kontra Uzbekistan, Hong Kong at powerhouse China sa 20th Asian Games sa Nagoya, Japan.

Sa kabila ng matinding hamon, determinado ang Filipinas na ipakita ang tibay, determinasyon at fighting spirit na naging tatak ng koponan nitong mga nakaraang taon.

Nagpasalamat si Philippine Football Federation (PFF) President John Anthony Gutierrez sa Philippine Olympic Committee (POC), mga manlalaro, coaching staff, pamahalaan sa pangunguna ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), gayundin sa mga corporate sponsor na tumulong sa paghahanda ng koponan.

Higit sa lahat, pinasalamatan ni Gutierrez ang mga tagasuporta ng Filipinas sa kanilang paglalakbay sa pinakamalaking multi-sport event sa Asya.

Sa unang pagsabak ng Filipinas sa Asian Games noong 2023 sa Hangzhou, China, umabot ang koponan sa quarterfinals.

“Ang grupong ito ay susubok sa kakayahan ng koponan, pero dito palaging umuusbong ang Filipinas. Hindi sila umiiwas sa hamon at patuloy silang lumalaban. Ang pagsisikap ang nagdala sa kanila rito at ang parehong laban ang magtutulak sa kanila para sa isa pang malalim na kampanya,” ani Gutierrez.

Ayon kay head coach Mark Torcaso, mahalagang bahagi ang Asian Games sa paghahanda ng Filipinas para sa 2027 FIFA Women’s World Cup.

Layunin aniya ng koponan na malampasan ang quarterfinal finish nito noong nakaraang Asian Games, bagama’t aminado siyang limitado ang roster dahil hindi ito pasok sa FIFA window.

“Gusto naming maging mas mahusay kaysa sa naging resulta namin sa huling Asian Games, kung saan quarterfinalist tayo. Pero nauunawaan din namin na hindi ito FIFA window, kaya maraming manlalaro ang hindi available. Susubukan din namin ang maraming batang at bagong manlalaro,” ani Torcaso.

Gagamitin umano ng coaching staff ang torneo bilang pagkakataon upang higit na mahubog ang koponan at maging handa para sa World Cup.

Para kay Torcaso, espesyal din ang Asian Games dahil dito nagsimula ang kanyang unang assignment sa national team noong nakaraang edisyon.

Samantala, umaasa si Filipinas forward at bagong PFF Women’s League MVP Alex Carpio na makapagbibigay ng malaking ambag ang mga manlalarong Pilipino na kasalukuyang naglalaro sa mga liga sa ibang bansa.

Ani Carpio, patunay ito na patuloy na lumalago ang Philippine football at mas maraming Filipina ang nakakalusot sa mga top league sa ibang bansa.

Pagkatapos ng Asian Games, tutungo ang Filipinas sa Peru para sa training camp sa Oktubre bilang bahagi ng World Cup preparations.

Mahalaga rin umano ang kampo dahil susubukin nito ang koponan sa mataas na altitude, na maaaring magsilbing paghahanda sa mga kondisyon na posibleng kaharapin sa hinaharap.

Samantala, nagpatupad ang PFF ng pagbabago sa final roster bago ang unang laro. Idinagdag sina beteranong midfielder Bhebhe Lemoran, fullback Janly Fontamillas at teenage goalkeeper Leah Bradley, kapalit ng injured defender Angie Beard, midfielder Tea Pidding at goalkeeper Gaby Rourke.

Lalaban ang Filipinas sa Uzbekistan ngayong Setyembre 14, alas-1 ng hapon, bago makaharap ang Hong Kong sa Setyembre 17, alas-6 ng gabi, at China sa Setyembre 21, alas-3 ng hapon.

Lahat ng laban ay gaganapin sa Gifu Nagaragawa Stadium, ayon sa Philippine Standard Time. (PSC/HNT)