MA at PA
ni Rommel Placente
BINABATIKOS ng mga netizen, ang mga opisyal ng Bulacan, kabilang na ang asawa ni Sunshine Garcia na si VG Alex Castro.
Sinisisi kasi ng publiko ang mga local government official sa patuloy at malawakang pagbaha sa iba’t ibang lugar sa Bulacan dulot ng ilang linggong pag-ulan.
Ang tagal-tagal na raw kasi ng mga ito sa puwesto pero hanggang ngayon ay hindi pa rin nila nasosolusyonan ang problema sa baha.
Kasunod naman nito ang pagtatanggol ni SexBomb Sunshine sa kanyang asawang si VG Alex.
Sa kanyang Facebook page, nag-post ng open letter ang aktres para ipaliwanag ang sitwasyon ng kanyang mister at huwag naman sanang isisi lahat kay Castro ang pr.oblema sa pagbaha.
“HAYAAN NATIN SYA MAGTRABAHO,” ang simula ni Sunshine sa kanyang FB post.
“Sa panahon ngayon napakadaling manira at manghusga ng tao, simpleng tsismis o pag gawa ng kwento ay pwede nang makasira ng reputasyon ng iba.
“Dati iniisip ko na kapag Politiko ka may power kang gawin ang lahat, pag may sirang kalsada dapat ginagawa na yan kahit sinong nasa pwesto, pero hindi pala yun ganun kadali.
“Kada pwesto ay may limit ang pwede mong gawin. Sa posisyon ni Alex bilang VG more on sa batas at resolusyon ang trabaho nya.
“Pero hindi sya nag stop duon lahat ng makakatulong sa Bulacan ginagawa nya even makabangga na sya ng taong mas mataas sa kanya,” pagpapatuloy ng aktres.
Aniya, marami ring hindi nalalaman ang publiko sa ginagawang serbisyo ni VG Alex, “Itong side na ito ang hindi nakikita ng iba ang alam lang nilang sabihin ay puro papogi. May camera man o wala, umaga man o kahit late sa gabi hindi tumitigil yan mag trabaho kahit nasa bahay na lalo na ngayon nag uulan at alam nyang may mga lugar na naman na binabaha.
“Parang sinisilihan ang pwet nyan sa bahay iniisip kong paano sya makakatulong dahil alam nya na sa kanila ulit ISISISI ang lahat.
“Naiintindihan namin ang galit ng mga tao lalo na yung mga naapektuhan at nahihirapan ngayon.
“Tama ang hindi dapat tumahimik, tama na dapat may pakialam na tayo at tingnan nang mabuti ang intensyon ng mga nakaupo ngayon,” aniya pa.
Ang hiling lang ni Sunshine, “Sana hindi din MAGAMIT ANG ISSUE na ito sa MALING TAO. Sabi nga namin ok lang kung hindi nyo gusto si Alex pero yung ginagawa ng ibang tao na pinipilit idikit ang pangalan nya sa issue.
“Bakit hindi yung mga taong involved ang kalampagin talaga? Sa mga mapanuri alam nila kung sino ang dapat kinakalampag, pero sa mga taong may pangit na intensyon ituturo ang iba.
“MABUTING TAO SI ALEX AT KAMI NA NAKAKAKILALA SA KANYA ANG MAGPAPATUNAY NUON.
“Nagsimula sya sa pinakamababang posisyon, hindi minana ang pwesto, pinaghirapan at inalagaan ang repustasyon na meron sya ngayon.
“Sirain nyo man sya patuloy pa din yan magtratrabaho ng maayos. Hindi nya kailangan magbayad para manira ng iba.
“Sa mga taong patuloy na sumusuporta at naniniwala sa kakayahan ni Alex maraming salamat sa inyo at hindi kayo agad naniniwala sa paninira.
“Magiging totoo at patuloy na magtratrabaho si Alex, tutulong sa abot ng makakaya at hindi magsasawang mag sabi sa nakatataas kung ano pa ang pwede maibigay, maipagawa na makakabuti at makakaganda sa nasasakupan nya.
“’Yung daan at baha sa ngayon limited lang ang pwede nya gawin pero lagi nya rerequest na mapag usapan ito sa mga taong dapat magpagawa nito.”
