KAPURI-PURI si Bianca Umali.
Lingid sa kaalaman ng marami, nagsakripisyo ang dalaga para sa isa niyang pinsan. Pinagtapos niya ito ng pag-aaral sa halip na pag-aralin ang sarili.
Naungkat ito nang nagbigay ng pahayag si Bianca na nagbabalak siyang muling bumalik sa pag-aaral.
Naganap ang paglalahad ng Sparkle GMA Artist Center actress sa recent guesting niya sa i-Listen ng host na si Kara David.
Rebelasyon ni Bianca, huminto siya ng pag-aaral, kusa niya itong desisyon, dahil mas pinili niya na unahin na muna ang pag-aaral ng kanyang pinsan na si Samantha kaysa sarili.
At sa tulong ni Bianca, nakapagtapos na si Samantha ng pag-aaral kaya naman buo na ang desisyon ng aktres na muling mag-aral.
Lahad ni Bianca, “I have two choices. Either I go to a design school for interior design, or I’m also looking into a big university.
“Pero hindi pa po ako decided sa kung ano talaga, but yes, I’m excited to study,” bulalas ng aktres.
Natanong din si Bianca kung bakit mas pinili niya na tulungan muna ang kanyang pinsan sa pag-aaral. Anito, ginawa niya iyon bilang “pay it forward,” pasasalamat niya sa kanyang lola.
Ang kanyang Lola Vicky ang umaruga at nagpalaki kay Bianca noong maging ulila siya sa kanyang ina limang taong gulang pa lamang siya.
At makalipas ang limang taon ay ang ama naman ni Bianca ang pumanaw.
Kung sapat lamang daw ang kanyang kapasidad na sabay silang nag-aral ni Samantha ay iyon sana ang nangyari pero aminado ang aktres na may kamahalan ang mag-aral ngayon, na siya namang tunay.
At siyempre pa, naniniwala si Bianca na ang edukasyon ay para sa lahat, na hinding-hindi kailanman magiging huli para sa kahit sino ang gustong mag-aral.
Nagtapos si Bianca sa senior high school noong 2019.
Boses ni Bianca ang maririnig kay Ella Arcangel, ang upcoming animated film na Ella Arcangel din ang titulo.
