Papa Dudut kokabit ang swerte, Barangay Love Stories nasa TV na!

Papa Dudut Rensmark Jairuz Ricafrente Barangay Love Stories LS 97.1

SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez

GIGIL at pagkasabik. Kaya naman kumakabit ang swerte sa number one DJ ngayon ng bansa, at tinaguriang DJ of AllMedia, si Papa Dudut (Rensmark Jairuz Ricafrente) mula sa number one ring radio show, ang Barangay Love Stories na napakikinggan sa Barangay LS 97.1.

Mula sa pagiging number 1 sa radyo at podcast, sa telebisyon naman mamamayagpag ang radio drama anthology na Barangay Love Stories sa GMA 7simula ngayong September.

Mismong ang radio at podcast host na si Papa Dudut ang mangunguna sa TV adaptation ng programa tampok ang iba’t ibang kuwento ng pag-ibig na hango sa tunay na karanasan ng mga Filipino.

Bukod sa pangunguna sa radyo, isa ang Barangay Love Stories sa mga pinaka-followed na podcast sa bansa na may mahigit 1.7 million followers. 

Nagwagi rin ito ng Spotify Creator Milestone Award last year matapos lumampas sa 100 million streams ang podcast nito sa Spotify Philippines.

Kaya abangan ang Barangay Love Stories sa GMA 7 simula September 12 na ang magiging pilot nito ay pagbibidahan ng Sparkle artists na sina Shuvee Etrata at Anthony Constantino.

Ang kuwento ay ukol sa isang babaeng Cebuana nanganagarap sa buhay na matulungan ang parents. At ang tanging opprotunity para matupad iyon ay ang makapagtrabaho sa isang company na boss niya si Anthony na na-meet na niya somewhere na hindi makalimutan ni Shuvee.

JOURNEY NG PAGIGING DJ

KAKABIT ang swerte. Ito ang paniniwala ni Papa Dudut sa magagandang nangyayari sa kanyang buhay at career. Bakit nga naman hindi. Sino ang mag-aakalang ang probinsyanong nagmula sa Quezon ay magiging isa sa pinakasikat na ngayong DJ at digital content creator.

Maagang naulila si Papa Dudut, 2 yrs old pa lang siya nang mamatay sa aksidente ang kanyang tatay na isang pulis.

Mahirap na mahirap lang kami. Sobrang mahirap,” pagbabalik-tanaw ni Papa Dudut.

Lagi ko ikinukuwento sa asawa ko na isinusuko ko ang kahirapan. Kasi wala kang mapagkukunan eh,” pagpapatuloy na pagbabahagi ni Papa Dudut sa amin isang maulang umaga sa issng cafe sa Quezon City.

“Ang tatay ko eh from the side of mapera. Ang lolo ko eh abogado, si Atty Dante Mercado, pinsan niya si Cherry Mercado. Pioneer din ng DZMM ang isa sa mga lolo ko, last name eh Ricafrente, hindi ko na-meet. Pero talagang it runs in the blood eh (broadcaster).

Sobrang hirap, I graduated from public school sa Lucban, Quezon ng MassCommunication. Sabi ng tatay ko ‘mag-abogado ka.’ Eh wala naman kaming pera. So nag-MassComm ako. During that time nag-audition ako sa radio, sa hometown radio then six months after nag-audition ako sa GMA sa Lucena. Na-hire ako roon, 17 yrs old pa lang ako. Pero I signed the contract when I was 18. 

Then before graduation I was hired by GMA Manila. Napakinggan ako ni sir Glenn Allona (1st VP for radio operations). Tapos binigyan niya ako ng opportunity na nagbukas sa akin ng marami pang oportunidad (radio FM DJ).”

Mag-isang itinaguyod ng kanyang ina sina Papa Dudut at isa pang kapatid.

Ten years after nang mamatay ang tatay ko at saka nag-asawa uli ang nanay ko. Pero she’s a hard working mom. Mayroon kaming mga dry good business, nagtindahan siya, naggupit pa ang nanay ko noong araw. Nakita ko ang hardship at nakikita ko ang nanay ko umiiyak sa harap ng altar at kinakausap ang tatay ko na tulungan siya na gabayan ang mga anak niya, ‘wag pumili ng maling landas.”

Sa ngayon, masaya na ang kanyang ina na nagma-manage ng farm niyang 9 heactares sa Quezon.

Actually kaming mag-asawa pwede na kaming mamuhay ng komportable. Pwede kaming pumili ng magandang-magandang bahay. Pero pinili kong bumili ng dalawang palapag na bahay na 170 sq/m na lote, ganoon lang kami very simple.

Ang kapritso ko lang sasakyan. Things I don’t have. Kasi noong bata pa kami noong nanay ko nabalitaan niya iyong kaibigan niya pupunta ng Lucena. Sabi niya baka pwede kami makisabay kasi nga pupunta rin kami ng Lucena. Pero itinanggi sa kanya na pupunta sila ng Lucena. Only to find out nagkita-kita kami sa Lucena. Noong nalaman ko ang story na iyon nasabi kong bibili ako ng maraming sasakyan. So, nakabili ako ng 14 feet na track. Mayroon akong Traviz, Land Cruiser, Hi-Lux, Fortuner, motorsiklo. ang aking acquired parking space eh pito. Kapitbahay pa rin namin iyong kapitbahay na ikinukwento ko pero mas mayaman na ako sa kanya.”

Dagdag pa rito ang regalo niyang building sa kanyang asawang si Jem sa San Jose Del Monte, Bulacan.

Ipinangako ko kasi sa kanya na bibigyan ko siya ng matibay-tibay na future.  Andito na ang TV eh. A little portion of that mapupunta sa building. Para sa mga anak ko iyon eh. Eh nakakuha rin kami ng farm, fully paid na iyon, 9 hectares din iyon.

Two story buildings iyon na ibibigay na sa amin ang susi, magpipirmahan na, walong kotse ang kasya.

“Lagi kaming nabe-blessed ni Jem ng mga taong maayos kausap, nagbebenta ng property na mabait. At nakakatulong namin sa mga ganito si Atty Rob Gozum na napakabait at nag-aayos ng mga ganito kong usapin.”

KAKABIT ANG SWERTE NG TAONG MASIPAG

ALAM mo tatlong beses na akong nakapagpahula, Tarot reading. Lagi kong nabubunot is the luckiest card. Ang laging sinasabi sa akin, ‘you are very lucky.’ Ramdam ko ‘yan. Never akong binigo ni Lord in all aspects of my life. Kapag mayroon akong gusto pinagtatrabahuan ko lang, nakukuha ko. Hindi ako nahihirapan. Maybe because I’m hard working. Nahihiya ako sa nanay ko, gusto kong tumulong sa nanay ko, gusto ko ibigay ang magandang buhay para sa nanay ko. Pero takot din akong maghirap dahil galing din ako sa hirap.

Noong nag-attend ako sa Spotify may Tarot reading doon, nakuha ko ‘yung card na nakuha ni Bea Alonzo, that’s the luckiest card that you can get. Usa siya na maraming sanga, parang tuhog niya lahat ng opportunities in life.

Then months after I was called by public affairs. May isang boss na nagsabi sa amin na, ‘tingin kayo ng tingin sa malayo, nasa bakuran natin ang number one.”

Kapos man sa karangyaan noon, hindi ito naging hadlang para sa tinagurian naming DJ of all social media na matagumpay na marating ang kasalukuyang estado, number one DJ sa Metro Manila. 

We are number one on radio, and we are number one on digital. In Nielsen survey we are number one, ‘Barangay Love Stories-strong number one and Spotify strong number one rin same with Podcast. Hindi siya lumilipat ng ibang number, number one lang siya.

And iyong ‘Papa Dudut Stories,’ iyong na-produce ko eh number 3, 4, 5 naglalaro lang doon. Hindi pa ako nakuntento gumawa rin ako ng ‘Papa Dudut Horror’ kasama rin sa Top 10. 

So I believe na Papa Dudut is a brand name pinaghirapan ko. It took years naman hindi naman kahapon lang iyan ipinanganak. Sabi ko nga sa inyo, I am from the grounds 2009 mula sa pinaka-ilalim inakyat ko ang hagdan. Walang backer.”

Handa namang ibahagi ni Papa Dudut ang kanilang love stories ng asawa niyang si Jem.  

Willing ako i-share. Okey sa akin kung galing sa mga taga-PBB pwede si Bianca Umali dahil kamukha ni Jem. Noong bata pa siya ang tingin ko si Bianca crush ko kasi iyon dahil kamukha niya. Meaning una kong naging crush si Jem. Kamukha rin niya si Jillian Ward kaya pwede rin.”

Nang matanong namin kung may kulang pa sa tagumpay na tinatamasa, sinabi ni DJ of AllMedia na, “Marami pa. Marami pa akong gustong ibigay sa nanay ko. Iyong farm naibigay ko na sa nanay ko eh. Gusto rin daw niya ng resort sabi ko sige papagawa tayong resort sana mag-number one itong ‘Barangay Love Stories’ sa tv kaya sa mga nagbabasa, nakikinig please support po. Sana 20-30 years din itong tv.”

PAGKAPIT NG LISTENERS SA BARANGAY LOVE STORIES

Natanong namin si Papa Dudut kung bakit nga ba kinapitan ng mga listener ang Barangay Love Stories mula noon hanggang ngayon?

The reason why is that ang mga listener ko kasi kapag napakikinggan si Papa Dudut, nararamdaman nila at nakikita nila ang mga sarili nila sa mga karakter na isine-share ko sa radyo. 

“Parang when you listen to Barangay Stories or listen to Papa Dudut, masasabi mong, ‘ako iyon eh. Ako iyong pinakinggan ko kay Papa Dudut.’ One in my lifetime na-experience ko iyong nakakilala ako ng tao dahil sinaktan ang puso ko. At naka-recover ako kahit nasaktan ako. Ako iyon eh, ako iyong may nanay na umiiyak sa akin dahil  hirap na hirap kami sa buhay.’

So the simplicity of the program, genuine na idine-deliver namin kung ano iyong nararamdaman ng tao, iyon ‘yung dahilan kung bakit siya number one. It is relatable kahit bata, matanda. 

“Everytime that we have episode laging may nanay, laging may kaibigan, tatay na involve, may anak na nagsusumikap. 

“So, larawan ng buhay ng isang Filipino ang ‘Barangay Love Stories’ na minahal nila from 2009 hanggang ngayon, it’s 17 years. We are the longest running FM radio drama in Metro Manila, sa aking paniniwala, sa aking pagkakakaalam. Correct me if I’m wrong baka mayroon sa Mindanao. I am telling you it’s in Metro Manila but kung sa buong Pilipinas, masaya ako. Kung iyon ang malalaman namin na buong Pilipinas.”

Ukol naman sa kung anong istorya ang unang kinapitan ng mga listener, ani Papa Dudut, “Hindi naman sa pag-aangat ng bangko but all the episodes are special laging mayroon ‘yang, halimbawa kwento ng mga nanay, magsisimula ang mga nanay na, ‘ako iyon eh, ako iyon.’

“So, I would say all episodes are special. 

“Isa sa pinaka-espesyal sa aking paniniwala eh iyong kwento ng mga magulang ko. Ako ang nagsulat, long time ago na ito pero isa iyon sa mga pinag-usapan na kwento. Ang kwento ng nanay ko na byuda, dalawa ang anak, 10 years after pa bago nag-asawa, with all the hardships. Ang kapatid ko eh graduate ng Pharmacy and Nursing na nag-Doctorate pa, nag-MA pa. Ang pangarap niya mag-doctor eh hindi naman kami mayaman nag-asawa siya ng doctor. Iyong pangatlo kong kapatid sa step father ko na ito ay isang computer engineer, boss sa BDO. Ang pina-bunso naman namin graduate ng Accountancy na nag-aabogado. Apat kami lahat.”

Hindi naman ikinaila ni Papa Dudut ang sobrang kasiyahan sa pagiging number one niya gayundin ng kanyang show.

Masayang-masaya ako dahil na-appreciate ng mga tao ang hugot ng mga kwento na ibinibigay namin sa ‘Barangay Love Stories.’ At nagpapasalamat ako sa Diyos kasi mahal na mahal niya ako. Ramdam ko kasi swerte ako eh pero alam ko na masipag ako. At GMA loves me so much. Mahal ako ni sir Glenn, sinusuportahan niya ako in all aspects of my life. Kasi dati childish pa ako eh nagtatampo-tampo pa, pero nitong medyo may edad na ako, na-realize ko tahimik lang iyong boss ko si sir Glenn pero mahal ako niyon, kami, sobra.”

At sa pagkakaroon ng tv show ni Papa nasabi niyang, “Pinapangarap ko siyang mangyari kasi dati nag-guest ako sa ‘All Out Sunday,’ nag-on cam ako eh, nagbasa ako ng story tapos may kumakanta. Nagbiro ako, sabi nga sa akin ni Carla Ang (social media manager), na-recall daw niya na sinabi ko raw na, ‘oy baka bukas tv na tayo a.’ Na nangyari naman.”

Kaya sa Sept 12 mapapanood na si Papa Dudut sa telebisyon. Hindi na lamang boses ang mapakikinggan sa kanya.

“I will still read letters, parang ‘Lovingly Yours Helen.’ Parang na-imbibe si Ms Helen Vela, alam mo naman iconic si Ma’am Helen na from GMA rin. Bisig Bayan pa that time ngayon eh Super Radyo DZBB na. Parang na-reincarnate siya sa pamamagitan ng isang probinsiyanong announcer na hindi pa sanay sa camera kaya sabi ko sa kanila sa Public Affairs, ‘guide me on the process  because I don’t know how to look on the camera.

Pero noong nag-shoot kami two episodes na, natuwa naman sila kasi ang bilis ko raw. Kasi I’m doing it for 20 years na eh. Ang sabi sa akin ng floor director steady lang ang ulo ko. Sabi naman ng program manager ko gumalaw-galaw ang ulo ko. Sino kaya susundin ko hahaha,” pagbabahagi ni Papa Dudut sa unang pagsabak sa telebisyon.

Sinabi pa ni Papa Dudut na magkaibang-magkaiba ang mga istoryang narinig sa radyo at mapapanood sa telebisyon.

Magkaiba siyempre iyong naririnig na nila sa radio at mapapanood sa tv. The magic of radio, if you are listening to us you are imagining the scenes, you are imagining the faces of the characters, scenarios, background, everything. But dahil sa intervention ng public affairs na number one sa story telling, sila ang nagkukwento ng mga balita, kahirapan, struggles ng mga Filipino. Ang ikukwento naman nila this time any kwento ng buhay ng bawat Filipino.

Ang tagline po namin ay, kwento ng pag-ibig, buhay at pag-asa. 

“Bakit pag-ibig? Dahil lahat tayo ay nakakaramdam ng pagmamahal. Buhay kasi lahat tayo ay may kanya-kanyang buhay at ang buhay ng bawat isa ay relatable.  Ang Pag-asa everytime na nadadapa tayo mayroon tayong pag-asa. Hindi hadlang ang problema para huminto ang buhay natin dapat everytime na may struggles tayo sa buhay lalo tayong nagsusumikap, ginagalingan natin sa buhay.

Ako iyong ikinukwento ko. Ako iyong bata na naulila walang tatay, naghirap, nag-aral sa public school, na-discover ang talent sa radyo, may nagtiwala si sir Glenn (na 3rd choice pala siya),” sabi pa ni Papa Dudut na kaya niya tinanggihan noong una siyang inalok para sa show ay bata pa siya at pabg-lively songs siya na dapat ay pang-morning pero nauwi sa pang-hapon.

Nag-try ako and the rest is history.

Kaya nagpapasalamat ako kay sir Glenn na hindi ako sinukuan sa pag-iinarte ko noon. Kung hindi dahil sa kanya hindi ako magkakaroon ng twins, hindi ako magkakaroon ng property. He opens a lot-bintana, pintuan, sa akin para ma-acquire ko mga pangarap ko sa buhay.”

Idinagdag pa ng magaling na DJ na “Real stories talaga ito. Kaya may disclaimer na these are real stories. Maraming kwento na masarap ikwento kaya lang ang programang ‘Barangay Love Stories’ eh mas focus na protektahan ang mga sender. Kaya may mga kwento kami na isinasantabi namin hindi dahil sa hindi maganda ang kwento o hindi siya papatok sa tao kundi it’s more of we need to protect the identity of the people involved.”

At nang matanong namin kung sino ang gusto niyang umarte sa kanyang Barangay Love Stories sa tv, “iyong mga de kalibre ng GMA like Marian Rivera, Dingdong Dantes, Dennis Trillo.

Kwento ng Filipino ito, kwento ng bawat isa sa atin. Sa panahon ngayon na ang napupulot ng kabataan eh barilan kailangan nating ipapanood sa kanila ang kwento ng mga taong naging matagumpay sa pag-ibig hindi lang sa finances kundi naging matagumpay na naprotektahan ang buhay ng kanilang pamilya. Ito dapat  ang impluwensiya na napapanood ng mga tao.

“Ang payo ko at the end of the story eh hindi ko isinusubo kung ano ang dapat gawin. Hindi naman ako eksperto. Binibigyan ko lang sila ng options. Ganoon ako mag-advise.”

CANCER DAW KAYA BIGLANG PUMAYAT

BIG “No-No” naman ang isinagot niya nang tanungin namin kung papasukin ang politika.

Aniya, “malabo. Kasi mahal na mahal ko ang radyo. Baka ang tv mamahalin ko rin. Ang Lord magaling kumilos eh. I used to be 118 kls biglang after 14 months may offer sa aking tv. Pinapayat ako ni Lord. Preparation.

Sabi ko kay Jem (his wife) ang pangit ng aking vital signs—high blood ako at ang liliit pa ng mga anak natin.

“Ang ginawa ko nagpa-doktor ako kay Dr Angeles, hindi ito sponsored. Hindi ako nagpakilala sa kanya. Hindi ko ginawa iyong mga Mounjaru etc. What I did is low carb diet and mayroon siyang supplements na tine-take ko na tumulong sa akin para mapigilan ang cravings ko. Malaking tulong ng siyensiya pero hindi ako naging suki ng Mounjaru.

Gusto ko sana ng Mounjaru kaso ayaw ng doktor ko okey na raw ako sa low carb hindi naman daw ako magvi-Vivamax. Noong nagpa-blood test ako okey ang lahat parang bata ako, mayroon lang allergy.”

Iginiit pa ni Papa Dudut at for the record, wala siyang cancer tulad ng mga naglalabasang balita kasunod ng pagpayat niya.

Ang tunay na cancer na may involvement sa akin ay ang mga kwentong binabasa ko na nanloloko ng dyowa, mga cheater. Maraming nagri-relapse. 

“Mayroon pa ngang sabi nagda-dialysis ako. Hindi po.

Bale I lost 43 kls (from 118) in 14 months. Matagal din naman hindi pumayat ako agad kahapon.”