MALOLOS, Bulacan – Binasag ni Bulacan Governor Daniel R. Fernando ang kanyang pananahimik kaugnay ng viral na panayam kung saan umani siya ng batikos matapos sabihin na wala siyang sapat na kaalaman sa mahigit P41 bilyong flood-control projects na ipinatupad ng national government sa lalawigan.
Sa isang press statement, inamin ni Fernando na hindi naging maayos ang kanyang pagsagot sa dagling phone interview noong 20 Agosto at maaaring mas malinaw sana ang kanyang naging paliwanag.
Ayon sa gobernador, wala sa kanyang harapan noong panayam ang kompleto at eksaktong datos upang makapagbigay ng responsableng sagot sa mga tanong hinggil sa halaga, bilang, at estado ng mga flood-control project sa Bulacan.
Iginiit niyang hindi dapat ipakahulugan ang kanyang sagot na wala siyang pakialam sa problema ng pagbaha.
‘Hindi ko alam’ ang naging sentro ng mga puna sa social media, ngunit ayon kay Fernando, ang mas mahalagang tanong ay kung saan napunta ang bilyon-bilyong pisong ginastos sa flood control at bakit patuloy na binabaha ang malaking bahagi ng Bulacan.
Batay sa pagsusuri ng GMA Integrated News Research noong 2025, umabot sa 668 flood-control projects na nagkakahalaga ng P43.7 bilyon ang naitala sa Bulacan mula sa datos ng pamahalaan — pinakamataas na bilang ng mga naturang proyekto sa isang lalawigan noong panahong iyon.
Kapitolyo walang direktang kontrol
Inilinaw ni Fernando na ang malalaking flood-control projects na pinag-uusapan ay hindi proyekto ng Provincial Government of Bulacan kundi mga proyektong pinondohan, iplinano, kinontrata, at ipinatupad ng mga ahensiya ng national government, partikular ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Matagal na rin aniyang problema ang kakulangan ng koordinasyon sa pagitan ng DPWH at mga lokal na pamahalaan. May ‘resibo’ sa rekord ang usapin sa koordinasyon.
Noong Oktubre 2025, mismong mga opisyal ng DPWH-Bulacan ang nangakong mas maagang ipaaalam sa mga LGU ang mga proyektong ipatutupad sa kanilang nasasakupan.
Kinompirma rin ng provincial government na noong 2023 ay may inilabas na Executive Order No. 22, Series of 2023, na nagtatag ng ad hoc committee para pag-aralan ang flooding at drainage concerns sa Bulacan.
Kasunod nito, naglabas si Fernando ng EO No. 16-B, Series of 2025, na nag-utos ng komprehensibong review ng mga flood-control projects at pagsusumite ng project documents ng DPWH at mga kontratista.
Noong Disyembre 2025 naman, nilikha sa pamamagitan ng EO No. 22, Series of 2025 ang Provincial Infrastructure Coordinating Council upang magkaroon ng mas sistematikong koordinasyon sa mga infrastructure project.
Sinundan ito ng EO No. 23, na nagtakda ng protocol sa coordination, monitoring, validation at acceptance ng national government infrastructure projects sa Bulacan.
Paisa-isang flood control hindi sapat
Sa kanyang pahayag, muling iginiit ni Fernando na matagal na niyang isinusulong ang isang integrated, science-based at long-term flood-control solution imbes magkakahiwalay na proyekto na walang iisang direksiyon.
Aniya, ang baha sa Bulacan ay hindi maaaring lutasin sa paisa-isang dike o flood-control structure lamang dahil magkakaugnay ang mga ilog, high tide sa Manila Bay, backflooding mula sa karatig-lalawigan, drainage at land development.
Ang puntong ito ay sinusuportahan din ng pinakahuling pagsusuri mismo ng DPWH.
Sa inspeksiyon sa Hagonoy at Paombong nitong 24 Agosto, sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na tinatayang P6 bilyon ang naibuhos sa magkakahiwalay na flood-control projects sa Hagonoy nang walang komprehensibong pagpaplano.
Natuklasan din sa Paombong ang isang P300-milyong dike na nasira at umano’y idinisenyo para sa ilog sa halip na para sa coastal area na hinahampas ng alon ng Manila Bay.
Kabilang sa pangmatagalang solusyong itinutulak ngayon ang Manila Bay Integrated Flood Control, Coastal Defense and Expressway Project, isang coastal road-dike na layong protektahan ang mga baybaying lugar ng Metro Manila, Bulacan, Pampanga at Bataan laban sa high tide at storm surge. Nagsimula na rin ang pakikipagtulungan sa Asian Development Bank para sa feasibility study ng proyekto.
Ayon kay Fernando, matagal na niyang isinusulong ang naturang proyekto bilang bahagi ng mas malawak na solusyon sa pagbaha sa Bulacan.
Bulacan nasa state of calamity
Dumating ang kontrobersiya sa gitna ng panibagong malawakang pagbaha sa lalawigan.
Idineklara ang buong Bulacan sa ilalim ng State of Calamity sa pamamagitan ng Resolution No. 708-T 2026 matapos ang epekto ng Habagat at mga bagyong Luis at Maymay.
Batay sa opisyal na ulat noong 20 Agosto, 11 sa 24 lungsod at bayan ng Bulacan ang may iniulat na pagbaha. Umabot sa 6,980 pamilya o 23,334 katao ang naapektohan at nailikas sa iba’t ibang pagkakataon, habang 2,146 pamilya o 7,263 indibiduwal ang nananatili noon sa mga evacuation center.
Media, publiko hiniling maging mapanuri
Kasabay ng kanyang depensa, kinilala ni Fernando ang karapatan ng media na magtanong at maningil ng pananagutan sa mga opisyal ng gobyerno.
Ngunit sinabi rin niyang kaakibat ng kapangyarihang iyon ang responsibilidad na maging patas sa konteksto, ebidensiya, at buong katotohanan.
“Public officials must be accountable. But media must be accountable, too,” bahagi ng kanyang pahayag.
Hiniling ng gobernador na huwag hayaang ang ilang segundong viral video lamang ang maging batayan ng paghuhusga sa kanyang pamumuno at sa mas komplikadong problema ng pagbaha sa Bulacan.
Sa halip, sinabi niyang dapat pagtuunan ngayon ng pansin ang pagsusuri sa mismong mga proyekto – alin ang natapos, alin ang hindi, sino ang nagdisenyo, sino ang kontratista, magkano ang ginastos at kung naging epektibo ba ang mga ito.
Para kay Fernando, ang usapin ay hindi dapat magtapos sa kontrobersiya sa isang panayam.
Ang tunay na sukatan, aniya, ay kung paano mapapanagot ang mga responsable at kung makabubuo ang national at local government ng isang magkakaugnay at pangmatagalang solusyon upang hindi na paulit-ulit na lumubog sa baha ang Bulacan.
(May ulat ni MICKA BAUTISTA)
