Sa Arayat, Pampanga
Pagbagsak ng training plane iniimbestigahan

CAAP

KASALUKUYANG iniimbestigahan ang pagbagsak ng isang training plane sa isang palayan sa Brgy. San Antonio, bayan ng Arayat, lalawigan ng Pampanga, nitong Sabado, 3 Oktubre.

Ayon sa Magalang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, bagaman bahagyang nasugatan ay nakaligtas ang mga tripulanteng sakay ng bumagsak na eroplano.

Agad nagresponde sa pinangyarihan ang mga emergency responder mula sa Magalang MDRRMO, Arayat MDRRMO, at Arayat Bureau of Fire Protection sa kautusan ni Mayor Malu Lacson.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng pagbagsak ng naturang light aircraft.

Ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), sa pamamagitan ng kanilang Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board, ay ang ahensiya ng gobyerno na responsable sa imbestigasyon sa mga insidenteng kinsasangkutan ng mga sibilyang eroplano sa bansa.

Samantala, ang OMNI Aviation ay isang organisasyon ng pagsasanay sa paglipad na nakabase sa Clark Freeport Zone sa Pampanga at kinikilala ng International Air Transport Association bilang isang awtorisadong training center at training organization. (MICKA BAUTISTA)