HINIRANG at nakatakdang gawaran ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) si Rexon Hora Gaston ng KWF Mananaysay ng Taon 2026 pára sa kaniyang sanaysay na: “Ang Paglimot sa Panahon ng Pag-alala: Paniyaw, Ngilin, at Bain sa Panahon ng Artificial Intelligence.” Makatatanggap siyá ng P30,000 (net), plake, at medalya.
Nagwagi naman si Emersan D. Baldemar ng Ikalawang Gantimpala pára sa kaniyang sanaysay na “Mebuayaan at Kadatngan: Ang Paradalumat ng Hinuha Bílang Lohos-Matris ng Artificial Intelligence at Balatuwas sa Kapwadunong, Nakem, at Kapantayang Epistemiko ng Wikang Filipino.” Makatatanggap siyá ng P20,000 (net) at plake.
Nanalo rin si Mark Anthony S. Angeles ng Ikatlong Gantimpala sa kaniyang sanaysay na “Artipisyál ma’y Nakikipagkápuwâ: Artificial Intelligence at ang Buháy na Wikà’t Dánas ng Filipíno.” Makatatanggap siyá ng P15,000 (net) at plake.
Si Rexon H. Gaston ay kasalukuyang Assistant Professor sa Kalinga State University na nagtuturo ng mga asignaturang Kontekstuwalisadong Komunikasyon sa Filipino, Art Appreciation, The Life and Works of Rizal, Indigenous Knowledge Systems and Practices (IKSP), at Language and Literature. Nagwagi rin siya ng “Most Creative Short Story of the Year” sa Instabright Third National Literary Award noong 2024. Nagsusulong siya ng pagpapalaganap ng wikang Filipino, ISKP, inklusibong edukasyon, at mga pedagohiyang pangkultura.
Ang Sanaysay ng Taon ay taunang patimpalak ng KWF na naglalayong himukin ang mga natatanging mananaysay ng bansa, na ilahok ang kanilang mga sanaysay. Ang paksâ ngayong taon ay tungkol sa tema ng Buwan ng Wikang Pambansa 2026 na “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.”
Ang Bunyi: KWF Gabi ng Parangal 2026 ay gaganapin sa 27 Agosto 2026. (30)
