Jerald at Pepe muling magsasama sa Viva comedy film
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
MATAPOS ang tagumpay sa takilya ng kani-kanilang blockbuster comedy movies na Love, Ngo at Home Along Da Riles: Da Reunion, bibida ang Box Office Lodis na sina Jerald Napoles at Pepe Herrera sa pinakabagong comedy film na Ang Pinakamasarap na Pares sa Balat ng Lupa, mula sa direksiyon ni Raynier F. Brizuela.Muling ipapamalas ng dalawa ang kanilang karisma at husay sa pagpapatawa sa isang pelikulang puno ng kakulitan, kainan, at makulay na pakikipagsapalaran. Mapapanood na ito sa mga sinehan sa August 26, 2026.
Ginagampanan ni Pepe si Don, isang lalaking hindi inaasahang 24 oras na lamang ang taning sa kanyang buhay dahil sa iniindang sakit. Dahil dito, pipiliin niyang tuparin ang kanyang huling huling: ang matikman ang sinasabi ng isang vlog na pinakamasarap na pares sa balat ng lupa, ang parehong pagkain na paborito ng kanyang yumaong lola.
Makakasama niya sa paghahanap ang best friend na si Mola, na ginagampanan ni Jerald. Madiskarte at mabilis mag-isip, gagawin ni Mola ang lahat upang tulungan si Don, kahit pa madalas nauuwi sa sablay ang kanyang mga plano.
Ngunit ang simpleng food trip nina Don at Mola ay unti-unting mauuwi sa kapalpakan at hindi inaasahang gulo. Habang hinahabol nila ang isang matinding pares experience, walang tigil din silang hinahabol ng isang doktor na desididong makuha ang malusog na atay ni Don.
Habang sunod-sunod ang panganib, sorpresa, at katatawanan sa kanilang daan, masusubok ang pagkakaibigan nina Don at Mola sa pinakamagulong 24 oras ng kanilang buhay.
Makakasama nina Jerald at Pepe sa pelikula ang content creator-actor na si Yanyan De Jesus bilang si Evans, ang maaasahang katulong ni Mola sa paresan na tiyak na magdadagdag ng kalokohan sa adventure nina Don at Mola. Ang aktres na si Christine Bermas naman ay gaganap bilang Molly, ang babaeng magpapatibok sa puso ni Mola. Sa pagsama nila kina Don at Mola sa paghahanap ng pinakamasarap na pares, magkakaroon din ng masayang agawan sina Molly at Evans para sa puso at atensyon ni Mola. Samantala, kontrabida mode naman si Gene Padilla bilang ang tiwali at sakim na si Doc Thor, na gagawin ang lahat upang makuha ang atay ni Don.
Kukompleto sa cast ang mga komedyanteng sina TJ Valderrama, Kedebon Colim, Jobelyn ManuelJames Caraan, at Nonong Ballinan na lalong magpapakulay at magbibigay-aliw sa kwento. Abangan din ng mga manonood ang isang special guest appearance na tiyak magdadagdag ng saya at sorpresa sa pelikula.
Hitik sa tawanan at puso, ang Ang Pinakamasarap na Pares sa Balat ng Lupa ay isa ring kwento tungkol sa kahulugan ng tunay na pagkakaibigan—na higit pa sa pinakamasarap na pares, ang pinakamagandang bagay sa buhay ay isang kapares na hindi ka iiwan sa anumang laban.
Ihahain na ang Ang Pinakamasarap na Pares sa Balat ng Lupa sa mga sinehan sa buong bansa ngayong August 26.