Bahay ng holdaper ng jewelry shop sa GMA, Cavite sinalakay
BITBIT ang search warrant, sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng GMA Police at Quezon City Police District (QCPD) – Police Station 11 ang bahay ng isa sa mga suspek na nangholdap sa isang malaking jewelry shop sa lalawigan kamakailan, na ikinabawi ng ibang mga nakaw na alahas sa Barangay Tatalon, Quezon City kahapon ng madaling araw.
Hindi naaresto ang suspek, pero nagpositibo ang operasyon nang mabawi ang ibang alahas na tinangay ng limang armadong suspek sa panghoholdap sa PNGB Asher Jewelry Corp sa Barangay San Gabriel, Gen. Mariano Alvarez, Cavite noong 6 Hulyo 2026.
Nilimas ng mga suspek ang lahat ng alahas at pera sa shop na aabot sa tinatayang P25 milyon.
Matapos ang ilang linggong follow-up investigation, isang search warrant ang inilabas ng RTC Branch 216 ng Quezon City, may petsang 22 Hulyo 2026 na inisyu ni Presiding Judge Carlo Jolette Fajardo, para sa paglabag sa Article 294 o Robbery.
Agad ni-raid ng mga awtoridad ang bahay ng isa sa mga suspek dakong 2:50 ng madaling araw sa pamumuno ni PLt. Col. Alexander S. Alcarez, ngunit hindi nila nadatnan ang target na suspek.
Sa paghalughog ng mga awtoridad sa bahay nito, nasamsam ang mga alahas na positibong kabilang sa mga tinangay sa nasabing jewelry shop.
Ang isinagawang search warrant operation ay sinaksihan ng mga awtorisadong tao sa lugar na sina HOA President Victor Duiyao, mga BPSO na sina Arthur M. Ruizo, Serilloyd S. Ramaila, Joseph B. Benavidez at ilang media personality.
Tinutugis ang may-ari ng bahay na isang alyas Gerry at mga kasamahan nito.