POC PNVF

NAGSIMULA na ang pagresolba sa krisis sa pamunuan ng volleyball sa bansa matapos magbitiw sa puwesto ang lahat ng miyembro ng board ng suspendidong Philippine National Volleyball Federation (PNVF).

Ayon kay Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino, ito ang unang mahalagang hakbang upang maibalik ang maayos na pamamahala sa pambansang asosasyon ng volleyball.

“Iyan ang unang hakbang at nagkasundo silang lahat na magbitiw,” pahayag ni Tolentino matapos ang volleyball general assembly na ipinatawag ng POC nitong Lunes sa Solaire Theater Board Room sa Parañaque City.

Kasalukuyang nagsisilbing “caretaker” ang POC sa lahat ng aktibidad ng pambansang volleyball federation matapos suspendihin ng International Volleyball Federation (FIVB) ang PNVF noong Mayo dahil sa isyu ng mahinang pamamahala. Nauna rito ang kaparehong parusa mula sa Philippine Sports Commission (PSC), na sinundan ng aksiyon ng POC.

Napagkasunduan din sa pulong ang pagbuo ng bagong 13-kataong PNVF board na magiging mas inklusibo. Kabilang dito ang mga kinatawan ng mga atleta sa women’s beach volleyball at men’s indoor volleyball, gayundin ang mga kinatawan mula sa UAAP at NCAA upang higit na mapalakas ang koordinasyon sa pagpapahiram ng mga manlalaro sa pambansang koponan.

Inalis na rin ang posisyon ng chairman sa bagong istruktura, habang magkakaroon ng kinatawan ang POC sa board. Ang secretary-general naman ay itatalaga ng magiging pangulo ng federation.

Dinaluhan ang general assembly ng halos 40 dating board members at iba pang volleyball stakeholders, sa pangunguna nina Tolentino at POC secretary-general Atty. Wharton Chan.

“Layunin nito ang mas inklusibong pamamahala at, higit sa lahat, ang pagbibigay-priyoridad ng lahat ng stakeholders sa pangangailangan ng pambansang koponan,” ani Tolentino.

Inihayag din niya na naaprubahan na ang lahat ng mga amyenda sa konstitusyon ng PNVF. Magsasagawa ang POC ng panibagong general assembly sa Agosto 10 upang talakayin ang susunod na hakbang para sa pagsasagawa ng panibagong halalan ng pambansang volleyball federation. (POC/HNT)