Cebu kampeon sa kauna-unahang EASL Future Champions Elite Championship

Cebu EASL Future Champions Elite Championship

HONG KONG — Itinanghal na kauna-unahang kampeon ang koponan ng Cebu City matapos talunin ang Macau, 61-52, sa championship game ng Jockey Club Believe & Bounce Basketball Programme: HKFYG Hustle 5 x EASL Future Champions International All-Star Tournament na ginanap sa Kai Tak Arena–Sports Hall.

Nagtapos ang tatlong araw na prestihiyosong torneo noong Hulyo 26 matapos ang matinding bakbakan ng mga pinakamahusay na batang manlalaro mula sa Cebu City, Macau at Hong Kong, na nagtagisan para sa unang EASL Future Champions Elite Championship.

Pinangunahan ni Kent Labitad ang Cebu sa naitalang 22 puntos, limang rebounds at tatlong assists, habang nag-ambag naman si Venz Luiz Nadela ng 15 puntos at 16 rebounds upang ihatid ang kanilang koponan sa makasaysayang kampeonato.

Sa pagtatapos ng laban, agad na nagsidagsa sa loob ng court ang mga kasamahan ng Cebu mula sa kanilang bench upang makisaya, habang nakisalo rin sa pagdiriwang ang kanilang mga coach at pamilya sa mga manonood.

Bago ang torneo, tig-10 piling All-Star players mula sa Cebu City at Macau ang sumailalim sa walong linggong masinsinang pagsasanay at kompetisyon sa ilalim ng EASL Future Champions Elite. Nakasama rin nila ang kampeon at runner-up ng EASL Future Champions Hong Kong Elite Circuit Games, kaya nabuo ang apat na koponang naglaban-laban sa internasyonal na torneo.

Ayon kay Alice Lui, Deputy Executive Director ng The Hong Kong Federation of Youth Groups (HKFYG), magsisilbing simula lamang ito ng mas marami pang de-kalidad na programang pampalakasan para sa kabataan.

Aniya, hangad nilang mahubog ang positibong pag-iisip, disiplina at kakayahan ng mga batang atleta upang maging handa silang makipagsabayan sa pandaigdigang entablado.

Sinabi naman ni Henry Kerins, Chief Executive Officer ng East Asia Super League (EASL), na ipinakita ng unang edisyon ng torneo ang napakalaking potensyal ng mga batang basketbolista sa Asya.

Layunin ng liga na mabigyan ang mga ito ng de-kalibreng coaching, matinding kompetisyon at internasyonal na exposure upang lalo pang mapaunlad ang kanilang karera sa basketball.

Bukod sa mga laro, tampok din sa tatlong araw na selebrasyon ang iba’t ibang public booths, interactive activities at merchandise stands na nagbigay ng mas maraming paraan upang makilahok at magsaya ang mga manonood, pamilya, coach at supporters.

Ang programa ay bahagi ng tatlong taong Jockey Club Believe & Bounce Basketball Programme na pinopondohan ng The Hong Kong Jockey Club Charities Trust. Nakikipagtuwang dito ang HKFYG Hustle 5 at EASL Future Champions, na inilunsad noong Nobyembre 2025 at nakatulong na sa mahigit 32,000 katao at higit 660 coaches.

May dalawang landas ang programa—grassroots at elite development—kung saan ang elite pathway ay nakatuon sa advanced training, pagpili ng mga manlalaro at pagsabak sa mga internasyonal na torneo.

Naging unang internasyonal na kampeonato sa ilalim ng EASL Future Champions Elite ang paligsahan sa Hong Kong, na layuning ihanda ang mga batang atleta sa mas mataas na antas ng kompetisyon sa pamamagitan ng world-class coaching, tuloy-tuloy na pagsasanay, cultural exchange at laban kontra sa pinakamahuhusay na manlalaro sa rehiyon.

Kasunod nito, nakatakda ring magsagawa ng overseas exchange program kung saan ang mga mapipiling manlalaro ay magsasanay sa youth academy ng isang professional basketball team sa ibang bansa. Inaasahang iaanunsiyo sa mga susunod na araw ang karagdagang detalye hinggil dito. (EASL/HNT)