Bernie Batin, tinanggihan P50M na offer para mag-promote ng sugal

Bernie Batin

ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio

MULA sa pagiging kuwelang content creator or vlogger, napapadalas na ngayong napapanood sa pelikula si Bernie Batin – na kilala rin bilang Pinakamasungit na Tindera sa Social Media.

After niyang mag-guest sa pelikulang “Home Along Da Riles – Da Reunion,” mayroon siyang dalawang upcoming movies, ang “Kappa-tiran” at “Sa Tamang Oras.”

Inusisa namin siya sa dalawang pelikulang kanyang nabanggit.

Kuwento niya, “Iyong sa Kappa-tiran po, ang role ko ay isang teacher, tapos sa Sa Tamang Oras naman po ang role ko po ay tindera sa palengke.

“Ang mga lead actors po sa Kappa-tiran ay sina Ejay Falcon, Sheryl Cruz, Patricia Javier, Aljur Abrenica, Bembol Rocco, at iba pa. Sa Tamang Oras naman po ay sina Kelvin Miranda, Angel Guardian, at Ron Angeles.”

Third and fourth movie na pala ito ni Bernie, kaya happy siya na unti-unting nagkakaroon ng katuparan ang kanyang pangarap.

Mas magiging active ba siya sa showbiz, kahit active rin siya na vlogger?

Tugon ni Bernie, “Kung may mga opportunities po sa showbiz, grab lang po ako nang grab, kahit active pa rin po ako sa pagiging full time content creator.”

Pero, ano ang priority niya ngayon, movies or yung pagiging content creator niya?

Paliwanag ng kuwelang tindera, “Bata pa lang po ako ay pangarap ko na pong maging artista. Noong naging content creator po ako, ito po ang nagbukas ng maraming opportunities sa akin, tulad po ng pagkakapasok ko po sa showbiz.

“Ipagpapatuloy ko pa rin po ang pagiging content creator ko, tapos tatanggapin ko pa rin po kapag may offer po sa movies or TV show po.”

May FB post na ganito si Bernie: 50 Million pesos offer nila saken para mag-promote ng sug4L.Anlaking pera pero di bale na lang kung kapalit naman nito ay pwedeng makasira ng buhay ng iba.Alam naman natin na marami ng buhay ang nasira at pamilya ang nawasak dahil sa pagkalulong ng sug4L.Walang katumbas na halaga ang aking prinsipyo at paninindigan.May iba pa nga nagsasabi,tanggapin ko daw tapos itulong ko sa iba.Again,hindi po blessing ang perang galing sa sug4L.Respect my decision.

Kaya na-curious kami hinggil dito at nalaman namin kay Bernie na na-bash siya ng ilang netizens dahil sa post niyang ito.

Aniya, “Yes po marami pong nang-bash sa akin sa post kong iyan. Sinasabi po nila na sumasabay lang daw po ako sa hype ng mga ibang content creator. Na gawa-gawa ko lang daw po ito. Sino ba naman daw po ang mag-o-offer ng ganoon kalaki sa akin?

“Wala pa naman po ako sa point ng buhay ko na kailangan ko pong magsinungaling at i-email ang sarili ko para makuha yung simpatya ng iba.”

Gaano kahirap tanggihan ang ganoong mga klase ng offer?

Esplika niya, “Ilang beses na po ako na-offer-an kapalit ng pagpo-promote ng sugal. Nagsimula po silang mag-offer noong pandemic. May nag-offer na po ng 500K, 1M, 4M at yung latest po yung 50M at 85M.

“Hindi ko po alam kung legit o hindi po legit yung mga emails. Pinost ko po ‘yun, tapos doon na po nila ako sinimulang i-bash – na fantasy ko lang daw po yun. Na Sino po ba naman daw ako para ma-offer-an nang ganoon kalaki.”

Hindi raw siya nanghinayang na tinanggihan ang mga offer sa kanya dahil ang perang galing sa sugal ay hindi blessing.

“Simula po pa noon ay galit na galit po ako sa sugal dahil naranasan ko po ang sobrang hirap ng buhay dahil sa pagkakaroon po ng isang miyembro ng pamilya na lulong sa sugal.

“Kaya kahit gaano po kalaki ang offer kapalit ng sugal ay hinding-hindi ko po tatanggapin at hinding-hindi po ako magsisisi kung hindi ko man po tinanggap ang offer, dahil ang pera na galing sa sugal ay hindi po blessing,” mariing esplika pa ni Bernie.