Nakakikilabot na sumpa dala ng Rosario

Aubrey Caraan Lance Carr Rosario Rose Van Ginkel Roni S Benaid

RATED R
ni Rommel Gonzales

KAPAG nagsama ang pighati at pamahiin, dala nito ay lagim. 

Isang nakakikilabot na sumpa ang mapapanood sa Rosario, ang pinakabagong horror movie ng Viva Films mula sa panulat at direksiyon ni Roni S. Benaid (Poon; Mary Cherry Chua; Marita; Nanay, Tatay). Hango sa isang Filipinong pamahiin, dadalhin ng Rosario ang mga manonood sa isang bangungot na ang pagdadalamhati ay mauuwi sa kamatayan. Palabas na sa mga sinehan simula August 5.

Ayon sa tradisyon, naglalagay ng rosaryo sa kabaong para gabayan ang kaluluwa ng yumao patungo sa langit. Ngunit, kailangan itong putulin bago ilibing ang patay. Kapag hindi ito nagawa, pinaniniwalaang magdadala ito ng sumpang kamatayan sa mga naiwan—at ito mismo ang haharapin ni Beth.

Isang mapagmahal na kapatid, mapipilitang lapitan at harapin ni Beth si Ave, ang kanyang kapatid na hindi niya nakilala at nakasama sa paglaki. Pagtatagpuin sila dahil sa isang trahedya—ang pagpanaw ng kanilang ina. 

Habang nagluluksa ang pamilya, isang rosaryo ang ilalagay ng kanilang relihiyosong tiyahin sa loob ng kabaong. Ngunit sa gitna ng kanilang pagdadalamhati, makakalimutan ng pamilya ang huling hakbang ng ritwal. 

Hindi nagtagal, sunod-sunod ang mga nakagigimbal at hindi maipaliwanag na pangyayari. Kasama ang kanyang mga kapatid, kailangang pigilan ni Beth ang sumpa bago tuluyang maubos ang kanilang buong pamilya. 

Pinangungunahan ni Aubrey Caraan ang cast bilang si Beth, ang kapatid na desperadong iligtas ang kanyang pamilya; Yumi Garcia bilang Ave, ang nawalay na kapatid na madadamay sa sumpa; Lance Carr bilang Caleb, ang dating kasintahan ni Beth na nagbabalik para tumulong wakasan ang sumpa; Meg Imperial bilang Magda, ang kanilang ate na pasan ang bigat ng responsibilidad sa pamilya; Jairus Aquino bilang James, ang maaalalahaning kapatid na umaalalay sa lahat; at Suzette Ranillo bilang Anne, ang tiyahing hindi sinasadyang magpapasimula ng sumpa. 

Tampok din sa pelikula sina Bernadette Allyson at Rose Van Ginkel na mayroong mahahalagang papel sa buhay ng pamilya. 

Sa Rosario, may mga ritwal na hindi dapat kinakalimutan… kung ayaw mong may kapalit itong kamatayan.

Saksihan ang sumpang babalot sa Rosario, ngayong August 5 na sa mga sinehan sa buong bansa.