Bago magtungo sa mga sinehan
MTRCB nagpayo sa mga pamilya alamin ratings ng mga pelikula
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
TIYAK na matutuwa ang mga mahilig sa horror, fantasy, romance at thrillers ngayong inilabas na ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang rating ng anim na pelikulang palabas ngayong linggong ito.
Pinayohan ni MTRCB Chair at CEO Lala Sotto ang mga magulang ng mga batang manonood na alamin muna ang mga rating nito bago sila bumili ng tiket, pagka’t karamihan sa mga pelikula ay rated R-13 at R-16.
“Ang tema ng ilan sa mga pelikula ay maaaring hindi bagay sa mga batang manonood, kaya’t mahalaga na nariyan ang ating mga magulang upang gabayan sila,” sabi niya. “Hinihikayat namin ang publiko na tangkilikin ang mga tampok na sineng ito bilang suporta sa industriya ng pelikula,” dagdag ni Sotto.
Ang G o General Audience rating ay para sa lahat ng edad, habang ang PG o Parental Guidance ay kailangang kasama ng mga bata ang isang magulang o guardian. Ang R-13 rating ay para sa edad 13 at pataas, samantala ang R-16 ay para sa edad 16 at pataas. Ang R-18 ay para sa mga nasa wastong edad.
Ang “I, Object” ay rated PG at kailangan ng patnubay ng mga batang manonood dahil ito’y may “thematic element that deals with childhood grief, mild fantasy peril and some mild language.” Rated R-13 naman ang “Ang Babaeng Walang Pakiramdam” na pinagbibidahan nina Kim Molina at Jerald Napoles. Ito ay ekslusibong mapapanood sa SM Cinemas simula 24 Hulyo at may mature na temang romantic comedy at drama.
Ayon sa MTRCB, bagama’t inspirational at values-oriented ang pelikula, hindi ito binigyan ng PG classification dahil may pagmumura rito at hindi magandang pananalita.
Ang “Lockbox,” isang horror na may eksenang supernatural possession at gore ay rated R-13. Ang crime thriller na “Tuner,” rated R-13, ay ekslusibong mapapanood sa Ayala Malls Cinemas. Sabi ng MTRCB, ang mga tema nito na umiikot sa krimen, moralidad at mga ilegal na aksiyon ay nangangailangan ng mas mature na pag-unawa at maaaring hindi angkop sa mga bata.
Ang horror na “Slumber Party Massacre,” rated R-13, ay remake ng isang 1982 slasher film at ekslusibong ipapalabas sa Megaworld Cinemas.
Samantala, ang “Pinocchio Unstrung,” ay rated R-16 dahil sa “mature horror themes, frightening scenes, violence, gore, disturbing deaths, body-horror elements, and frequent use of strong swear words and expletives by pre-teen characters.”
Ito ay reimagining ng kuwentong pambata tungkol sa puppet na si Pinocchio at ang kanyang pagiging tunay na tao.