Maja at Kathryn ‘di pwedeng pagsamahin sa iisang tent
MA at PA
ni Rommel Placente
NAGPALIWANAG si Maja Salvador kung bakit hindi sila magkasama sa iisang tent ni Kathryn Bernado.
Magkasama kasi ang dalawa sa bagong serye ng ABS-CBN.
Ayon kay Maja para rin daw sa kanilang dalawa kung bakit magkahiwalay sila ng tent.
Paliwanag niya, “Oo, kasi nga ‘pag magkasama kami sa tent, wala tayong matatapos na eksena. Dahil bilang mag-ate, sa totoong buhay, ano talaga, ang dami naming… hindi kami natatapos magkuwentuhan,” pagbabahagi ni Maja.
Ibinahagi rin ng aktres na may mahihirap silang mga eksena, at hindi makatutulong kung magkakaroon sila ng kanilang “chikahan,” at bigla na lang silang lumipat sa kanilang mga karakter.
“So, ang hirap talaga. Kaya pagdating sa location, separate na agad kami ni Kath. Para hindi na magkuwentuhan,” pakli pa niya.
Sinabi rin ni Maja na parang magkapatid na talaga sila ni Kathryn. Naisip din niya na medyo mahiyain si Kathryn.
Dahil dito, sinabi ni Maja na sasabihin niya kay Kathryn na hindi siya ang kanyang Ate Maj sa mga sandaling iyon kapag ginagawa nila ang kanilang mga eksena.
“Okay, nakita ninyo na naman po, nasa teaser naman ‘yung sampal, sapak, ayaw niya ‘yon. Ayaw gawin ni Kath. Takot siya. Sabi ko, ‘no kailangan mong gawin. Na gawin mo na, para tapos na,” aniya pa na natatawa.
