Responsableng gun owners protektahan, pabaya panagutin — Zubiri
PASAY CITY — Isinulong ni Senate Majority Floor Leader Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri ang mas balanseng polisiya sa pagmamay-ari ng baril sa pagbubukas ng 32nd Defense & Sporting Arms Show (DSAS) nitong Miyerkules Hulyo 22 hanggang 26 sa SMX Convention Center, Mall of Asia Complex sa Pasay City na inorganisa ng Association of Firearms and Ammunition Dealers of the Philippines (AFAD), kung saan siya ang panauhing pandangal.
Sa kanyang talumpati, ipinaliwanag ni Zubiri ang dalawang pangunahing panukalang batas na kanyang isinusulong—ang Senate Bill No. 1555 at Senate Bill No. 1897—na layong palakasin ang karapatan sa lehitimong pagtatanggol sa sarili habang pinaiigting ang pananagutan ng mga pabayang may-ari ng baril.
Sa ilalim ng SB 1555, magkakaroon ng legal na pag-aakalang may ilegal na pananalakay kapag may sapilitang pagpasok sa bahay, sasakyan o lugar ng negosyo. Dahil dito, mababawasan ang pasanin ng taong dumepensa sa kanyang sarili sa oras ng panganib.
Ayon kay Zubiri, hindi ito lisensya para sa karahasan kundi proteksiyon para sa mga inosenteng biktima ng iligal na pag-atake.
Samantala, sa SB 1897, iminungkahi ang mas malawak na exemption sa threat assessment certificate, pagtaas ng limitasyon sa bala na maaaring ariin ng lisensiyadong gun owners at sports shooters, pagpapaikli ng election gun ban sa 45 araw bago at limang araw matapos ang halalan, pagpapadali ng paglilipat ng pagmamay-ari ng baril kapag namatay o nawalan ng kakayahan ang may-ari, at isang taong amnestiya para sa pagpaparehistro o pagre-renew ng lisensya.
Layunin din ng panukala na bawasan ang red tape sa industriya ng defense manufacturing sa ilalim ng Self-Reliant Defense Posture Program.
Mariin ding kinondena ni Zubiri ang kapabayaan ng ilang gun owners kasunod ng madugong pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban na ikinasawi ng tatlong estudyante.
Binigyang-diin niyang hindi dapat sisihin ang mga responsableng may-ari ng baril sa naturang insidente kundi ang mga nagpabaya sa ligtas na pag-iingat ng kanilang mga armas, na lumabag sa Section 9 ng Republic Act 10591.
Dahil dito, nangako siyang isusulong ang mas mabigat na pananagutang kriminal at mas mahigpit na parusa laban sa mga mapatutunayang nagpabaya sa kanilang mga baril.
Tinapos ni Zubiri ang kanyang talumpati sa pagbibigay-pugay sa yumaong Martin Tuason ng ARMSCOR, na kinilala niya bilang isa sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng responsableng pagmamay-ari ng baril at ng shooting community sa bansa.
Dinaluhan ang pagbubukas ng 32nd DSAS nina AFAD President Alaric Topacio, Vice President Edwin Año, FEO-PNP Chief Jose Manalad, CSG Deputy Director Patrick Sangalang, at iba pang opisyal ng industriya at kapulisan. (AFAD/HNT)
