Mahigit 350 dayuhang delegado, darating sa Tagaytay para sa Asian Aerobic Gymnastics Championships
MAHIGIT 350 dayuhang delegado ang inaasahang darating sa bansa para sa 10th Senior Aerobic Gymnastics Asian Championships na inihahandog ng Philippine Sports Commission (PSC), na gaganapin mula Agosto 4 hanggang 7 sa Tagaytay City Velodrome.
Inoorganisa ng Gymnastics Association of the Philippines (GAP) sa pamumuno ni Cynthia Carrion, at pinangangasiwaan ng World Gymnastics at Asian Gymnastics Union (AGU), ang prestihiyosong torneo na magtatampok sa pinakamahuhusay na aerobic gymnasts sa Asya at inaasahang makatutulong sa pagpapalakas ng sports tourism ng Pilipinas.
Labindalawang bansa ang magpapadala ng mga atleta sa pitong kategorya—individual men, individual women, mixed pairs, trios, groups, aerobic dance at aerobic step. Maglalaban ang mga kalahok sa Youth (12-14), Junior (15-17) at Senior (18 pataas) divisions.
Kabilang sa mga kalahok ang Cambodia, Chinese Taipei, Hong Kong, Indonesia, India, Japan, South Korea, Mongolia, Thailand at Vietnam.
Ito ang ikalawang malaking international gymnastics event na iho-host ng GAP sa pamumuno ni Carrion at ng PSC sa ilalim ni chairman Patrick Gregorio sa loob lamang ng siyam na buwan, kasunod ng matagumpay na pagdaraos ng Junior World Artistic Gymnastics Championships noong Nobyembre.
Ipinahayag naman ng Lungsod ng Tagaytay, sa pangunguna nina Mayor Brent Tolentino at Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino, ang kahandaan nitong maging punong-abala sa torneo at ipakita ang natatanging kagandahan ng lungsod sa mga dayuhang delegado.
Naghanda rin ang lungsod ng mahigpit na seguridad, cultural presentations at hospitality programs upang matiyak ang matagumpay na pagdaraos ng kompetisyon.
“Sa pamamagitan ng championship na ito, naniniwala akong nagkakaisa ang mga mamamayan ng Tagaytay at ang buong bansa sa pagsusulong ng sports sa Asya at pagbibigay-inspirasyon sa mga atletang patuloy na abutin ang pinakamataas na antas ng kahusayan,” pahayag ni Carrion sa Philippine Sportswriters Association Forum nitong Martes.
Ayon kay Carrion, na sinamahan ni GAP secretary-general Rowena Eusuya, malaki ang naidudulot ng pagho-host ng mga international event hindi lamang sa larangan ng sports kundi maging sa turismo at ekonomiya ng bansa.
“Pinagbubuklod ng sports ang mga tao. Katulad ito ng musika na nag-iiwan ng magagandang alaala. Naaayon din ito sa adhikain ni PSC chairman Patrick Gregorio na magdaos ng mga pandaigdigang torneo upang higit pang mapaunlad ang sports tourism,” ani Carrion.
Malugod namang tinanggap ni Gregorio ang pagho-host ng bansa sa torneo.
“Bahagi ito ng ating sports tourism program. Gaya ng lagi kong sinasabi, magandang balita ang sports,” ani Gregorio, na siya ring chairman ng National Sports Tourism-Inter Agency Committee.
Ayon pa kay Carrion, matagal nang hangarin ng GAP na maidaos sa Pilipinas ang naturang torneo.
“Matagal na naming nais maidaos ang event na ito at ipinagmamalaki naming sa wakas ay matutupad na ito,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Carrion na magsisilbing mahalagang batayan ang torneo para sa ilang bansa, kabilang ang India na magpapadala ng pinakamalaking delegasyon na binubuo ng 50 atleta, sa pagpili ng kanilang mga kinatawan sa 19th Aerobic Gymnastics World Championships sa Pamplona, Spain sa Disyembre.
Sa panig ng host Philippines, inaasahang magiging pangunahing medal contenders sa senior division ang mixed pair nina Arcenio Cadlos at Charmaine Dolar, na nagwagi ng silver medal sa 33rd Thailand Southeast Asian Games noong nakaraang Disyembre.
Malaki rin ang inaasahan kay Dolar sa women’s individual event, gayundin sa women’s trio nina magkapatid na Dorothy Grace Grade at Danielle Grade, kasama si Princess Johana Pama. (PSC/HNT)
