Coco Martin Dingdong Dantes

Coco, Dingdong magkatapat man ang programa, magkasangga sa pagpapalakas ng industriya

SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez

WALANG away o isyu! Ito ang pinatunayan nina Coco Martin at Dingdong Dantes nang muling magkita sa pagtitipon ng AKTOR League of Filipino Actors. 

Kitang-kita ang saya ng ng Kapamilya Teleserye King at Kapuso Primetime King sa mga picture na ibinahagi nila sa social media.

Naiintriga at binibigyang kulay ang pagtatapat ng kani-kanilang teleserye sina Dingdong at Coco. Magkatapat at magkalaban ngayon sa primetime ang seryeng The Master Cutter ni Dingdong sa GMA 7 at Sigabo ni Coco sa ABS-CBN.

Unang nag-post sa masayang pagkikita nina Coco at Dingdong si Marian Rivera sa Facebook na may caption na, “Si Atoy at Si Gabo para sa AKTOR – League of Filipino Actors.”

Si Atoy ay ang karakter ni Dingdong sa The Master Cutter habang Gabo naman ang pangalan ng karakter ni Coco sa Sigabo.

Nag-post din si Dingdong ng dalawang picture nila ni Coco sa Instagram gayundin ng mga litrato ninaMarian, Ricci Chan, Iza Calzado, at Joel Saracho.

Si Iza ang kasalukuyang presidente ng AKTOR at si Dingdong naman ang founding chairman.

Ani Dingdong, “Magkaiba man ang programa, iisa lang ang layunin: pagmamahal at pagpapalakas ng ating industriya.

“Isang magandang Sunday meeting, may kasamang masayang kwentuhan at makabuluhang palitan ng mga ideya, para pag-usapan ang isa na namang proyektong ilulunsad ng AKTOR sa ilalim ng pamumuno ng ating kapwa AKTOR member na si Coco Martin. Soon.

Para sa AKTOR. Para sa mga aktor. Para sa industriya.”

Hindi rin nagpahuli si Coco dahil siya man ay may post din sa Facebook page na Real Coco Martin ng picture nila ni Dingdong.

Caption ni Coco, “Sobra ang respeto ko sa taong ito. Maraming salamat, Kuya Dingdong Dantes, sa walang sawang pagmamahal at dedikasyon mo sa ating industriya.

“Isa kang inspirasyon sa maraming tao dahil sa sipag, at malasakit. Hindi lang talento ang ipinapakita mo, kundi tunay na puso para sa industriyang mahal nating lahat.

“Nandito lang ako sa likod mo at buong puso ang suporta ko sa lahat ng iyong ginagawa lalo na para sa AKTOR – League of Filipino Actors.

Sa isang panayam, masayang ibinahagi si Iza na after six years ay kasama na si Coco ng kanilang organization, “Coco, thank you! Sumasagot, tinatawag talaga akong ‘Ate Iza’! I love you, Coco!

Ate, sige, sige.’ Kasama ko kasi siya dati sa Batanes (2007), doon kami unang nagkatrabaho,” sabi pa ng aktres na ang tinutukoy ay ang pelikulang pinagtambalan niya at ni Ken Chu ng F4.