Ben Yalung na-fake news sa birthday party
HARD TALK
ni Pilar Mateo
FAKE news!
Ang husay ng production team. Lahat nag-cooperate.
Surprise birthday party. Para kanino.
Sa mga nasa industriya na ng showbiz circa 80s, naging mahalaga ang presensya ng isang M7.
Kahit nagsimula na ang Viva Films, Regal Films, Seiko, pati na Solar, may mga nagsisulpot na independent producers. New breed. New blood. Si Cine Suerte, Inc. ‘yun ni Ben Yalung.
Eh, talaga namang mamamangha ka na sa mga pasabog na proyekto. Karnal. Cain at Abel. Award-winning, ‘di ba? The classics ‘ika nga.
At malalaking artista ang sumalang at nakagawa ng magagandang proyekto sa kanya.
Mula kay FPJ “Da King” sa Isa-Isa Lang, at mga idinirehe niyang Kumander Dante ni Phillip Salvador, Moises Platon at Lost Command ni Bong Revilla, Jr., Anak ni Zuma nina Max Laurel at Dang Cecilio, Jones Bridge Massacre ni Lito Lapid at Basag ang Pula ng yumao’ng Ace Vergel, marami pa ang mga sumunod na iba’t ibang kategorya o uri.
Idinirehe niya ang Ang Birhen ng Manaoag, (Eddie Garcia, Joyce Jimenez, Albert Martinez at marami pa), Divine Mercy: Sa Buhay ni Sister Faustina tampok si Donita Rose, the list could go on.
Kaya naman, isang magandang muling pagkilala kay M7 ang ginanap na surprise birthday party niya sa The Fifth in Rockwell sa Powerplant Mall.
Nalansi siya ng kanyang pamilya at mga kaibigan. Ang imbitasyon sa kanya ay magde-deliver siya ng speech sa isang event na pinangalanang National Film and Arts Night 2026: Honoring the Legacy. Shaping the Future of Philippine Cinema. Aba naman, eh dadaluhan mo talaga.
Kinailangang may ibang daanan ang lahat ng imbitadong panauhin. At handa ang lahat sa pagpasok nito sa bulwagan.
Nang umakyat sa entablado, buong ningning at paniwala sa inihandang “speech.”
Madalas na pala siyang isorpresa ng pamilya tuwing kaarawan niya, pero dahil nga “wise” ito, madaling malaman at mabuking ang mga plano.
Ngayon lang sa kanyang ika-80. Hindi niya nahalata dahil na-focus siya sa gagawin niya sa pekeng imbitasyon sa kanya.
And the night grew. Gabi ng Parangal din ang nangyari para sa mahahalagang mga tao sa buhay ni M7.
Si Bishop Teodoro Bacani. Golden Friendship (M9 J. Yuson de Guzman), Best Friends ( the couple Melo and Dolores Alcantara), Outstanding Collaboration (Evelyn Ramos), Behind the Scenes Hero (Frances Rachel Yalung), at napakarami pa. But of course, ang natatanging Parangal ay ipinagkaloob sa kanyang kabiyak na si Elizabeth Yalung!
It was such a sweet celebration. Dumating ang ilan sa mga artista niya. Snooky Serna, Rey Abellana, Lloyd Samartino, Louella de Cordova, Epy Quizon. At hindi nalimutan ang isa sa naging sexy star ng kanyang panahon.
Wala namang pelikula si Amanda Amores sa Cine Suerte o kay M7.
“In-offer sa akin before ang ‘Alexandra.’ Hindi pumayag ang Mama ko. Naging kaibigan namin si Mr. Yalung. Dahil madalas siya sa tindahan namin noon. Para nga mag-offer ng pelikula. Pero sobrang sexy, inayawan ni madir. Ang maganda never naman ako nakalimutan ni M7. And I feel honored na maging bahagi ng gabing ito.”
Si Louella, “Wala akong masasabi sa pagiging maalaga ni M7 sa amin. Sa set ng ‘Basag…’ Alam mo ‘yan, Tita kasi PR ka ni Tito Ace. Sa isang eksena, sabi ni Direk M7, sasampalin ko si Tito Ace. Totohanin ko raw. Wala sa script, eh. Noong ginawa ko, napalakas. Nakapagmura si Tito Ace. Nagulat, eh. Pero later on ipinatawag ako. That started a great friendship. Okay lang daw ‘yun. At ang dami pang masasayang ganap sa set. Talagang sarap balikan. Kung gagawa pa uli ng movie si M7, yes! Gustong-gusto ko na umarte uli (isa na siyang broadcaster sa mahabang panahon).”
Si Snooky bilang si Galema na Anak ni Zuma eh takot sa ahas, kahit pa ang ilan sa ginamit ay hindi na totoong ahas.
Grateful si Abellana dahil naging suki siya ng Cine Suerte.
Samantala, binigyan din ng sorpresa ng DGPI (Directors Guild of the Phiippines, Inc.) Si M7, “In recognition of his dedication to Philippine Cinema through decades of practice and promoting film education and media literacy.”
Ang Pangulo na si Keith Sicat at Bise Presidente ng organisasyon na si Mark Meily ang nag-abot ng plake sa celebrant.
A sweet and sassy way ro celebrate a legend and an icon.
Vintage. Limited edition!
Eto na nga. May bulong-bulungan sa pangalang “Teresing” nang gabing ‘yun. Sino kaya siya sa buhay ni M7. O nating lahat!
Hindi na fake news!
