Aubrey Caraan Lance Carr Rosario Rose Van Ginkel Roni S Benaid

Aubrey Caraan at Lance Carr haharap sa nakakikilabot na bangungot sa Rosario

ni Allan Sancon

ISANG simpleng pagkakamali sa ritwal ng burol ang magiging simula ng sunod-sunod na kamatayan sa Rosario, ang pinakabagong horror offering ng Viva Films na isinulat at idinirehe ni Roni S. Benaid

Hango sa isang nakatatakot na pamahiin, ipinakikita ng pelikula na ang isang rosaryong hindi naputol bago mailibing ang yumao ay maaaring magbukas ng pintuan sa isang nakamamatay na sumpa.

Mapapanood na ito sa mga sinehan sa buong bansa simula August 5.

Umiikot ang kuwento kay Beth, isang mapagmahal na anak at kapatid na napilitang makipagtagpo sa kanyang kapatid na si Ave na matagal niyang hindi nakasama. Ang muling pagsasama nila ay dahil sa pagpanaw ng kanilang ina. Ngunit sa gitna ng kanilang matinding pagdadalamhati, isang ritwal ang hindi nila nagawang tapusin—ang pagputol sa rosaryong inilagay sa kabaong. 

Mula rito, nagsimula ang mga kababalaghan at nakapangingilabot na trahedyang tila isa-isang kumikitil sa kanilang pamilya.

Habang papalala nang papalala ang mga hindi maipaliwanag na pangyayari, mapipilitan sina Beth at ang kanyang mga kapatid na harapin ang isang sinaunang sumpa bago pa tuluyang maubos ang kanilang angkan.

Ang bawat segundo ay magiging karera laban sa kamatayan, at bawat lihim na mabubunyag ay maglalapit sa kanila sa mas nakakikilabot na katotohanan.

Pinangungunahan ni Aubrey Caraan ang cast bilang si Beth, kasama sina Yumi Garcia bilang Ave, Lance Carr bilang Caleb, Meg Imperial bilang Magda, Jairus Aquino bilang James, Suzette Ranillo bilang Anne, gayundin sina Bernadette Allyson at Rose Van Ginkel sa mahahalagang papel na magpapabigat sa misteryo ng kuwento.

Ayon kay Aubrey, hindi lamang ordinaryong horror film and Rosario dahil nakaugat ito sa isang pamahiing maraming Filipino ang pamilyar. “Nakakatakot ang pelikula dahil posibleng may mga pamilyang ginagawa talaga ang ganitong tradisyon.

Habang ginagawa namin ito, ramdam namin ang bigat ng kuwento at gusto naming maiparamdam sa audience ang takot, emosyon, at kahalagahan ng pamilya.”

Ibinahagi naman ni Lance na isa sa pinakamalaking hamon sa kanya ang pagsabak sa isang horror film na may matinding emosyon. “Excited ako na mapanood ng lahat ang ‘Rosario’ dahil kakaiba ang takot na ibinibigay nito. Hindi lang ito puro pananakot—may puso rin ang kuwento at makikita kung hanggang saan ang kayang gawin ng isang tao para iligtas ang kanyang pamilya.”

Sa Rosario, isang rosaryo lamang ang nakalimutang putulin—ngunit ang kapalit ay isang bangungot na maaaring hindi na matapos. Kung handa kang masubok ang iyong tapang at maniwala na may mga ritwal na hindi dapat binabalewala, huwag palampasin ito sa mga sinehan simula August 5.