ARESTADO ang isang school principal na itinuturong pumatay sa isang buntis na guro na ina ng 16-anyos estudyante na karelasyon umano ng suspek sa Lagangilang, Abra nitong Martes.
Sa ulat, dinakip ng mga operatiba ng Abra Provincial Police Office ang suspek na hindi pa pinangalanan sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng korte.
Nahaharap ang school principal sa kasong murder dahil sa pagpatay sa biktimang si Maria Elaine B. Valencia, 36 anyos, noong 9 Mayo, sa isang ambush sa Sitio Bagong Barrio, Barangay Bumagcat, Tayum, Abra.
Magugunitang dalawang bala ang tumama sa gawing paa ni Valencia, isang public school teacher na noon ay 7-buwang buntis, makaraang pagbabarilin ng kalibre .45 baril ng riding-in-tandem dakong 8:50 ng gabi habang siya ay lulan ng motorsiklo kasama ang kanyang mister at patungong bus terminal sa Bangued.
Ang mister ay hindi nasugatan sa insidente pero ang buntis na misis ay idineklarang patay habang nilalapatan ng lunas sa Dr. Petronilo V. Seares, Sr. Memorial Hospital.
Ang insidente ay nagbunsod ng galit ng mga opisyal ng Department of Education (DepEd) at sa sektor ng edukasyon sa lalawigan.
Sa imbestigasyon, nabatid na na may relasyon umano ang school principal sa dalagitang anak na babae ni Valencia na mahigpit na tinutulan ng kanilang pamilya na pinaniniwalaang motibo sa krimen.
