Pinay, ‘person of interest’ sa pag-utas sa Amerikanong biologist
ISINAILALIM sa imbestigasyon ng mga awtoridad ang isang Pinay na sinabing “person of interest” sa pagpatay sa live-in partner na si American marine biologist Kent Carpenter sa Sibulan, Negros Oriental, ayon sa ulat kahapon.
Ayon kay Col. Timmar Alam, director ng Negros Oriental Provincial Police Office (PPO), lahat ng anggulo ay sinisilip upang maresolba ang kasong ito ni Carpenter na isang siyentipiko.
Bukod sa live-in partner ni Carpenter, 73 anyos, person of interest rin sa kaso ang anak ng live-in partner ng Amerikanong Marine biologist.
Noong Linggo, 12 Hulyo, si Carpenter at ang live-in partner ay nanonood ng television nang pumasok ang tatlong armadong salarin na pinagbabaril ang target na biktima sa kanilang tahanan sa Barangay Ajong, Sibulan noong dakong 11:30 ng gabi.
Samantala, hindi sinaktan ng mga armadong suspect ang live-in partner ng nasabing Amerikano.
Sa pahayag ng Special Investigation Task Group (SITG), hindi nagtatagni ang pahayag ng live-in partner na siya’y inabusong sekswal ng nasabing Amerikano habang ang mga anak ng nasabing ginang sa una niyang kinakasama ay bumibisita lamang sa kanilang tahanan.
Sinisilip din sa kasong ito ang anggulo ng pagnanakaw dahil kinuha ng mga salarin ang pera at mga alahas ng biktima.
Nabatid na si Carpenter ay malaki ang naitulong sa tagumpay ng kaso ng Filipinas sa 2016 arbitral ruling sa West Philippine Sea (WPS) kaugnay ng isinagawa nitong pananaliksik sa mga coral reefs at marine biodiversity sa WPS.
