Pandi, Bulacan holdap burger stand

Sa Pandi, Bulacan
2 kelot na nagholdap sa burger stand arestado sa viral video

HIMAS-REHAS ang dalawang lalaki na nangholdap sa isang burger stand sa Barangay Siling Bata, Pandi, Bulacan nitong Linggo ng madaling araw na ang insidente ay nakunan sa CCTV camera at nag-trending sa social media.

Sa ulat mula kay P/Lt. Col. Nelson M. Sardin, OIC ng Pandi Municipal Police Station (MPS), ang operasyon ay bunga ng masusing intelligence gathering at walang humpay na manhunt operations na isinagawa ng mga operatiba ng nasabing police station na nagresulta sa mabilis na pagkaaresto sa dalawang suspek.

Matapos maaresto ay nasamsam sa dalawang suspek ang pitong heat-sealed plastic sachet ng pinaghihinalaang shabu na may kabuuang timbang na 10.4 gramo na may Standard Drug Price na ₱70,992, at isang kalibre .38 revolver, kargado ng tatlong bala.

Nakuha rin ang isang improvised knife, isang itim na helmet, isang itim na jacket, isang itim na balaclava, isang pares ng tsinelas, at isang Yamaha Aerox motorcycle, may plakang C316RX, na ginamit sa naturang krimen, at nagbigay-daan upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Ang mga naarestong suspek at lahat ng nakompiska at nakuhang ebidensiya ay dinala sa Pandi MPS para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.

Ang mga naturang ebidensiya ay isusumite sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa laboratory examination, habang ang mga suspek ay haharap sa kaukulang mga kasong kriminal sa hukuman. (MICKA BAUTISTA)