P150-M substandard heated tobacco products Pampanga

₱150-M substandard heated tobacco products, yosi nasabat sa Pampanga

NASAMSAM ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tinatayang ₱150 milyong halaga ng substandard heated tobacco products (HTPs) at ordinaryong sigarilyo sa magkahiwalay na warehouse ng Arborland Holdings Incorporated sa Barangay Calibutbut, Bacolor, Pampanga.

Isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrants kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 7394 o Consumers Act of the Philippines, katuwang ang PRO3 at iba pang yunit ng PNP.

Ayon kay CIDG Director PMGen. Robert A.A. Morico II, kabilang sa mga nakompiska ang humigit-kumulang ₱145 milyong halaga ng HTPs at ₱5 milyong halaga ng sigarilyo na nasa mga kahong walang label, may expired na tax stamps, luma ang graphic health warnings, at walang clearance mula sa National Tobacco Administration (NTA).

Aniya, malinaw itong paglabag sa mga batas na nagpoprotekta sa kalusugan ng mamimili at sa tamang pagbabayad ng buwis.

Inihayag ng CIDG na magsasampa sila ng kaukulang kaso laban sa mga may-ari ng warehouse na nananatiling at large.

Pinuri ni Morico ang CIDG Regional Field Unit 3 sa pamumuno ni PCol. Grant A. Gollod at ang mga katuwang na yunit ng PNP sa matagumpay na operasyon na nakapigil sa pagpasok ng mga ilegal at mapanganib na produktong tabako sa lokal na merkado. (MICKA BAUTISTA)