Shower Ligo CR bathroom

‘Kawatan’ na-at-home huling aktong naliligo sa banyo ng inakyat na bahay

ISANG lalaking pinagsusupetsahang miyembro ng akyat-bahay gang ang naaktohan ng mga awtoridad habang ito ay naliligo sa banyo ng pinasok na bahay sa Barangay San Vicente, Tarlac City kamakalawa.

Batay sa ulat, dakong 5:15 ng madaling araw, nang respondehan ng mga awtoridad ang isang bahay sa nasabing barangay para hulihin ang iniulat na ‘akyat-bahay’.

Sa salaysay ni barangay kagawad Roger Liquiran, nagising ang may-ari ng bahay sa ingay sa banyo at laking gulat nang madatnan ang isang estrangherong naliligo rito.

Agad niyang ikinandado ang pinto para hindi makatakas ang suspek at humingi ng tulong sa barangay.

Nang magresponde ang mga opisyal ng barangay nahuli pa nila sa banyo ang suspek na kakatapos lang maligo.

“Ingat po kayo mga kabarangay, level up na ang mga akyat bahay ngayon, nakikiligo na rin,” saad ni Liquiran sa kanyang post.

Ayon sa mga awtoridad, inakala ng suspek na walang tao sa loob ng bahay kaya nakuha pa niyang maligo bago simulan ang pagnanakaw.

Inaresto ang suspek na ngayon ay nasa kustodiya na ng Tarlac City PNP para sa masusing imbestigasyon.

Samantala, ilang netizen at mga concerned citizen ang nagsabi na ang naturang suspek ay hinihinalang may mental health issue. (MICKA BAUTISTA)