Norzagaray Bulacan police PNP

Wanted na rapist tiklo sa Norzagaray, Bulacan

NAARESTO ng mga awtoridad ang isang lalaking nakatala bilang No. 1 most wanted person (MWP) sa municipal level sa ikinasang operation sa Sitio Suha, Barangay San Mateo, sa bayan ng Norzagaray, lalawigan ng Bulacan, nitong Lunes ng umaga, 13 Hulyo.

Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Ismael Gauna, hepe ng Norzagaray MPS, nadakip ang suspek na kinilalang si alyas Noel, 42 anyos, residente sa nasabing barangay, ng tracker team ng Norzagaray MPS sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Qualified Rape.

Inisyu ang nasabing warrant noong 7 Hulyo 2026 ng Presiding Judge ng Malolos City RTC Branch 16 na walang inirekomendang piyansa.

Matapos ang pag-aresto, ipinaalam sa suspek ang kaniyang mga karapatang naaayon sa batas.

Isinagawa rin ang kaukulang dokumentasyon at siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Norzagaray MPS habang inihahanda ang kaniyang turnover sa hukuman na naglabas ng warrant.

Pahayag ni P/Col. Jay Baybayan, acting provincial director ng Bulacan PPO, patuloy na paiigtingin ng Bulacan PPO ang kampanya laban sa mga wanted person sa buong lalawigan upang matiyak na ang mga akusadong umiiwas sa batas ay agad maaresto at maiharap sa hustisya, bilang bahagi ng patuloy na pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan. (MICKA BAUTISTA)