tricycle

Nahulog sa tricycle  
‘Grad-waiting’ na 23-anyos babaeng estudyante patay Trike driver pinaghahanap

MALAKING katanungan ngayon sa pamilya ng isang 23-anyos babaeng estudyante na nakatakdang magtapos sa kolehiyo ang pagkahulog sa tricycle at pagtakas ng driver nito.

Patay na ang estudyanteng babae matapos mahulog mula sa isang tumatakbong tricycle sa bayan ng Balagtas, lalawigan ng Bulacan.

Batay sa ulat na nakarating kay P/BGen. Jess Mendez, regional director ng PRO3, kinilala ang biktimang si alyas Florence, 23 anyos, residente sa Barangay Borol 2nd, sa nasabing bayan.

Ayon sa mga imbestigador ng Balagtas MPS, iniulat ng mga magulang ng biktima na ang kanilang anak ay pasahero ng isang tricycle na minamaneho ng isang nagngangalang Bobby, residente sa Northville 6, Brgy. Santol, sa parehong bayan.

Nabatid na habang binabagtas ng tricycle ang provincial road sa Brgy. Burol 2nd ay nahulog ang biktima mula rito at tumama ang kaniyang ulo sa kalsada.

Imbes huminto, sumibat ang driver ng tricycle at iniwan ang pasahero na nakahandusay sa kalsada.

Agad dinala ng mga nakasaksi ang biktima sa kalapit na klinika at kinalaunan ay inilipat sa Sacred Heart Hospital sa lungsod ng Malolos, kung saan siya tuluyang pumanaw.

Napag-alamang nakatakdang magtapos sa kolehiyo ang biktima kaya labis ang nararamdamang pighati ng kaniyang mga kaanak.

Patuloy ang isinasagawang follow-up investigation upang makakalap ng karagdagang ebidensiya, matukoy at matunton ang sangkot na driver ng tricycle, at mapadali ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa suspek. (MICKA BAUTISTA)