World Surf League WSL Siargao

Unang WSL Championship Tour sa Siargao, kasaysayan para sa Surfing ng Pinas

NAKATAKDANG gumawa ng kasaysayan ang Philippine surfing matapos opisyal na maisama ang tanyag na alon ng Cloud 9 sa General Luna, Siargao sa prestihiyosong World Surf League (WSL) Championship Tour.

Gaganapin ang “Philippines Pro” mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 10, 2026 bilang Stop No.11 ng pandaigdigang torneo. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na magiging punong-abala ang Pilipinas sa pinakamataas na antas ng internasyonal na kompetisyon sa surfing, na inaasahang magpapalakas pa sa sports tourism ng bansa.

Pormal na inilunsad ang makasaysayang torneo sa isang media launch nitong Martes na ginanap sa PSC Media room sa Rizal Memorial Sports Complex na dinaluhan ng mga opisyal ng sports at pamahalaan, kabilang sina Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick Gregorio, WSL Asia-Pacific President Andrew Stark, PSC Sports Ambassador Vinny Marcos, Department of Tourism Assistant Secretary Gissela Marie Romualdez-Quisumbing, General Luna Vice Mayor Minmin Rusillon-Sajulga, at Atty. John Cubillan ng Unang Distrito ng Surigao del Norte.

Lalo pang nadagdagan ang kasabikan nang ihayag ni Stark na nabigyan ng wildcard entry ang surfing star ng Pilipinas na si John Mark “Marama” Tokong.

Sa naturang pagkakataon, makakaharap ni Tokong ang ilan sa pinakamahusay na professional surfers sa buong mundo sa mismong kilalang alon ng Cloud 9, na matagal nang kinikilalang isa sa mga pinakamahusay na surfing destinations sa mundo.

Inaasahang magbibigay ng malaking tulong ang hosting ng Pilipinas sa pagpapalago ng lokal na surfing, turismo at pandaigdigang pagkilala sa Siargao bilang pangunahing destinasyon para sa world-class sporting events. (PSC/HNT)