PSA PSC PAI Buhain

Boracay, Sentro ng Southeast Asia Open Water Swimming Championships

HANDA nang buksan ng world-famous na Boracay ang pinto nito para sa ikaapat na Southeast Asia Open Water Swimming Championships, na inihahandog ng Philippine Sports Commission (PSC), mula Agosto 21 hanggang 23 sa Boracay Newcoast sa Aklan.

Inorganisa ng Philippine Aquatics, Inc. (PAI) sa pakikipagtulungan ng Southeast Asia Aquatics, Pamahalaang Panlalawigan ng Aklan at iba pang ahensya ng gobyerno, layunin ng tatlong araw na torneo na ipakita ang husay ng mga atleta habang isinusulong ang sportsmanship, pagpapalitan ng kultura at sports tourism ng Pilipinas.

“Labis ang aming ipinagmamalaki sa pagho-host ng 4th Southeast Asia Open Water Swimming Champioships, dahil ang open water swimming ay isa nang Olympic event,” ani PAI secretary-general at dating pambansang manlalangoy na si Eric Buhain sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa PSC Media Room, nitong Martes.

Ayon kay Buhain, inaasahang lalahok ang 100 hanggang 120 manlalangoy mula sa walong bansa, kabilang ang 35 kalahok mula sa Pilipinas, na magtatagisan sa 3-kilometer, 5-kilometer at 10-kilometer events para sa men’s at women’s divisions.

Dagdag pa niya, layunin din ng torneo na higit pang maipakilala ang Pilipinas bilang pangunahing destinasyon ng sports tourism sa Southeast Asia, kasunod ng matagumpay na pagho-host ng Bali, Indonesia at Pattaya, Thailand sa nakaraang mga edisyon.

Kinatawan naman ni PSC Commissioner Fritz Gaston ang ahensya sa forum at sinabi na malaking tulong ang torneo sa pagsusulong ng National Sports Tourism-Inter Agency Committee, na pinamumunuan din ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick Gregorio.

Bukod sa pangunahing kompetisyon, magkakaroon din ng festival races sa loob ng tatlong araw na torneo upang makahikayat ng mas maraming kalahok at turista.

Sa inihandang pahayag ni PAI president Michael Vargas, sinabi nitong hindi lamang makatutulong ang torneo sa pag-unlad ng open water swimming sa Southeast Asia kundi magsisilbi ring pagkakataon upang maipakita ang ganda ng Boracay at ang mainit na pagtanggap ng mga Pilipino sa mga dayuhang bisita.

Ibinunyag din ni Buhain na marami nang delegasyon mula sa Vietnam, Thailand, Singapore at Indonesia ang nagpahayag ng planong palawigin ang kanilang pananatili sa Boracay matapos ang kompetisyon—isang senyales ng positibong epekto ng torneo sa lokal na turismo. (PSA/HNT)