Bagyong Inday, Habagat may death toll na 22 katao 18 missing persons – NDRRMC
UMABOT na sa 22 katao ang namatay habang 18 pa ang nawawala sa pananalasa ng bagyong Inday na pinatindi ng habagat, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Martes, 14 Hulyo.
Sa tala ng NDRRMC, ang mga naitalang namatay ay mula sa 14 na lugar na apektado ng kalamidad sanhi ng landslide at pagkalunod habang naitala sa 9 katao ang mga nasugatan.
Mula sa Labangan at Tukuran, Zamboanga del Sur; Jose Abad Santos, Davao Occidental; Glan, Sarangani; Calanogas, Lanao del Sur, at Talayan, Maguindanao del Sur ang mga iniulat na nawawala.
Nasa 170,000 pamilya o katumbas na 755,000 katao ang naapektohan ng bagyong Inday at ng habagat habang nasa 20,000 katao ang ibinakwit at kasalukuyang nasa 97 evacuation centers.
Tinatayang nasa P3.18-milyong halaga ang napinsalang mga impraestruktura habang nasa 1,000 kabahayan ang napinsala.
Inihayag ng NDRRMC, pumalo sa P12.5 milyon ang pinsala sa agrikultura at umaabot sa P58.56 milyong halaga ang ayuda kabilang ang relief goods na naipamahagi sa mga pamilyang naapektohan ng kalamidad.
