Misis binoga sundalong mister todas, biyenang lalaki gumanti manugang pinagsasaksak utas

TRAHEDYA ang kinauwian ng isang masayang family outing ngunit dahil sa panghihipo ng biyenang lalaki sa 14-anyos birthday girl, nagwakas sa kamatayan ang pagsasama ng isang mag-asawa sa Negros Occidental.

Sa madugong patayan nauwi ang masayang outing ng isang pamilya nang barilin ng isang misis ang kanyang sundalong mister sa gitna ng kanilang pagtatalo. Bilang ganti, pinagsasaksak ang ginang ng biyenang lalaki sa Bacolod City, Negros Occidental, ayon sa ulat kahapon.

Sa report ng Bacolod City Police, nangyari ang insidente nitong Linggo, 12 Hulyo, sa tahanan ng mag-asawa sa Barangay 3, Bacolod City.

Kinilala ang mga namatay sa pangalang Private First Class (PFC) Paul, 31 anyos, miyembro ng Philippine Army Infantry Battalion (IB) na nakabase sa Siaton, Negros Oriental, at misis niyang si alyas Leonora, 28 anyos.

Sa imbestigasyon, nagtalo ang mag-asawa nang umuwi galing sa outing nang komprontahin ni misis ang sundalong mister hinggil sa panghihipo ng biyenang lalaki na si alyas Edwin sa maselang bahagi ng katawan ng nakababatang kapatid na babae ng nasabing ginang.

Ang pamilya ng mag-asawa ay nag-outing bilang selebrasyon ng ika-14 taong kaarawan ng nakababatang kapatid ng ginang.

Nabatid na itinutulak umano sa swimming pool ng biyenang si Edwin ang kapatid na babae ng manugang at nahihipuan sa maselang bahagi ng katawan pero ikinatuwiran ng sundalo na aksidente iyon, hindi intensiyonal at marumi lamang umano ang isip ng kanyang misis.

Sa matinding galit ng misis, kinuha nito ang Glock 17 9mm pistol na service firearm ni PFC Paul at kasunod nito ay dalawang putok ang umalingawngaw, isa rito ay sumapol sa ulo ni Paul na duguang bumulagta sa sahig.

Narinig ng biyenang si Edwin ang putok ng baril at nang puntahan ay nakitang duguang nakahandusay ang anak. Mabilis na kinuha nito ang kutsilyo sa kusina saka 11 beses na pinagsasaksak ang babaeng manugang.

Dead on-the-spot ang ginang habang dead-on-arrival sa pagamutan ang kanyang sundalong mister.