Ombudsman

San Pablo City mayor 6-buwan suspendido

ISINILBI ng Department of the Interior and Local Government (DILG) provincial office ang 6-buwang preventive suspension laban kay Mayor Arcadio “Najie” Gapangada, Jr., kahapon ng umaga .

Pirmado ni Ombudsman Crispin “Boying” Remulla ang suspensiyon, may petsang 8 Hulyo 2026 at isinilbi ng DILG-4A sa tanggapan ni Mayor Gapangada dakong 8:10 ng umaga kahapon, ayon kay DILG-4A Regional Director Ariel Iglesia nang matanggap nila ang order nitong 13 Hulyo.

Awtomatikong naupo si Vice Mayor Justin Colago bilang acting San Pablo City mayor habang ang unang City Councilor na si Carmela Acebedo ay itinalaga bilang acting Vice Mayor sa loob ng anim na buwan.

Nag-ugat ang mga kaso sa reklamong inihain ni Vice Mayor Colago noong 26 Hunyo 2026, laban sa alkalde dahil sa pagsibak sa ilang opisyal sa kanilang tungkulin, pag-marginalize, pag-reassign, o pag-bypass sa konseho sa operasyon ng iba’t ibang tanggapan ng lungsod pabor sa mga job order employees na sinasabing kinuha ng alkalde.

Ang ilan sa mga empleyado ay nakatatanggap umano ng suweldo na aabot sa P100,000 bawat buwan.

Sinabi ni Mayor Gapangada na maghahain siya ng motion for reconsideration sa Office of the Ombudsman at hihiling ng temporary restraining order (TRO) mula sa mga korte para ihinto ang pagpapatupad ng suspensiyon laban sa kaniya.