Tahungan sa Manila Bay giniba ng Cavite City LGU

Sigalot sa hangganan  
Tahungan sa Manila Bay giniba ng Cavite City LGU

ni Teddy Brul Jr.

CAVITE CITY, Cavite — Nagkaroon ng matinding tensiyon sa pinag-aagawang bahagi ng karagatan ng Manila Bay noong Miyerkoles nang simulang putulin

ng mga tauhan ng Bantay Dagat ng Cavite City ang mga longline at palutang ng ilang aquaculture farm, na lalo pang nagpainit sa usapin ng hangganan ng karagatan at pagpapataw ng buwis sa pagitan ng mga karatig na lokal na pamahalaan.

Ayon sa mga apektadong mangingisda, hindi bababa sa tatlong taniman ng tahong at talaba ang bahagyang nasira sa isinagawang operasyon. Makikita sa mga larawang kuha sa lugar na nagkalat at naglutangan sa dagat ang mga plastik na lalagyan na nagsisilbing improvised na mga palutang matapos putulin ang mga lubid na sumusuporta sa mga lambat at estruktura ng palaisdaan.

Napilitang ihinto ng mga nagpapatupad ng operasyon ang pagputol matapos silang komprontahin ng isang may-ari ng aquafarm na nagbabala sa matinding panganib na maaaring idulot nito sa kanyang mga tauhan.

Ayon kay Jonatahan Aguhayon, may-ari ng tahungan, eksaktong isinasagawa ang maintenance sa ilalim ng dagat nang putulin ang mga longline. Tatlo sa kanyang mga diver ang kasalukuyang nasa ilalim ng tubig at nagsasagawa ng pagkukumpuni sa mga lambat nang mangyari ang insidente.

“Napakadelikado ang pagputol ng mga longline habang may mga diver sa ilalim ng dagat. Kapag bumigay ang tensiyon ng mga lubid o bumagsak ang mabibigat na lambat at estruktura, maaaring maipit o mabalot ang mga diver at malagay sa panganib ang kanilang buhay,” ani Aguhayon sa isang operator ng aquafarm na tumangging magpabanggit ng pangalan.

Isa sa mga pinakamalubhang naapektohan ay ang aquafarm ni Aguhayon at Manny Dobleza, kapwa opisyal ng Nagkakaisang Magtatahong sa Kawit (NAMAMANGKA).

Tinatayang hindi kukulangin sa ₱80,000 ang agarang pagkaluging mararanasan niya — isang mabigat na dagok para sa isang maliit na negosyante sa aquaculture.

Ayon pa kay Aguhayon, ang naturang halaga ay bunga ng ilang buwang puhunan at paghihirap, kabilang ang pagbili ng semilya ng tahong, pagpapasuweldo sa mga manggagawa, gastos sa krudo ng mga bangka, at araw-araw na pag-iinspeksiyon at pag-aalaga sa kanilang palaisdaan.

“Nagsimula kaming mag-alaga ng semilya noon pang Abril. Malapit na sanang lumaki at maani ang mga tahong, pero bigla na lamang nasira ang aming pinaghirapan,” ani Aguhayon.

“Napakasakit dahil galing sa sariling bulsa ang pinuhunan namin dito. Ilang buwan naming inalagaan ang mga ito, tapos sisirain lang nang walang malinaw na koordinasyon.”

Ayon sa mga lider ng sektor ng aquafarm, mabilis nang nararamdaman ang epekto ng insidente sa kabuhayan ng mga mangingisda at maliliit na negosyante sa paligid ng Manila Bay.

Ordinansa ang ugat ng operasyon

Batay sa paliwanag ng mga apektadong grupo, isinagawa ang operasyon alinsunod umano sa General Ordinance No. 2025-3462 ng Pamahalaang Lungsod ng Cavite, na nagsasaad na saklaw ng lungsod ang 15 kilometrong territorial waters mula sa baybayin nito.

Sa ilalim ng ordinansa, inaatasan ang mga mangingisda at operator ng aquaculture mula sa Bacoor, Kawit, at maging sa Las Piñas City na magparehistro ng kanilang negosyo sa Cavite City, magkaroon ng lokal na kasosyo, at magbayad ng taunang buwis batay sa lawak ng kanilang operasyon sa karagatan.

Apela para sa agarang dayalogo

Dahil sa banta ng panibagong demolisyon, nananawagan ngayon ang mga samahan ng mga mangingisda mula sa Kawit, Bacoor, at Las Piñas City ng agarang tripartite dialogue sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan.

Layunin nilang maupo sa iisang mesa ang mga opisyal ng mga sangkot na LGU upang mapayapang maresolba ang usapin ng magkakapatong na saklaw ng municipal waters bago pa ito humantong sa mas malawak na pagkasira ng mga palaisdaan, pagkawala ng kabuhayan, o posibleng pagkasugat ng mga manggagawa.

Iginiit ng mga apektadong mangingisda na ang unilateral na pag-aangkin ng Cavite City sa 15 kilometrong saklaw ng karagatan ay sumasalungat sa municipal waters ng kanilang mga bayan.

Batay sa Philippine Fisheries Code (Republic Act No. 8550), na inamyendahan ng RA 10654, kung ang pagitan ng municipal waters ng magkatabing lungsod o bayan ay mas mababa sa 30 kilometro, ang hangganan ay dapat itakda batay sa equidistant median line, at hindi maaaring angkinin nang buo ng iisang lokal na pamahalaan.

Hinihintay pa ang panig ng Cavite City

Humingi ng pahayag ang HATAW D’yaryo ng Bayan sa Pamahalaang Lungsod ng Cavite at sa kanilang Bantay Dagat kaugnay ng umano’y paglabag sa mga panuntunan sa kaligtasan at sa naudlot na operasyon ng demolisyon. Gayunman, wala pa umanong natatanggap na tugon ang pahayagan hanggang sa oras ng paglalathala.

Samantala, nakapaghain na rin ng pormal na kahilingan ang mga kinauukulan sa National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) at sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) upang humingi ng teknikal na paglilinaw hinggil sa tamang hangganan ng municipal waters at legal na batayan ng mga inaangking teritoryo.