Aian Lazaro Vivian Marie Lazaro Apple

Birth certificate ng baby ni transman Aian Lazaro, peke ba o orig?

ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio

GRABE ang latest content ng vlogger na si Makagago tungkol sa transman na si Aian Lazaro, na ang tunay na pangalan ay Vivian Marie Lazaro.

Si Aian ay isang transgender man na nauna nang nagbahagi ng kanyang kuwento sa mga panayam, kabilang kina Karen Davila at sa Eat Bulaga. Ayon sa kanya, nagkaroon sila ng anak ng kanyang partner na si Apple sa pamamagitan ng in vitro fertilization (IVF), at sinabi rin nilang milyon-milyong piso ang kanilang nagastos para rito.

Sa bagong content ni Makagago, may lumabas na mga alegasyon na may isa umanong tao na tumulong sa pagpopondo ng kanilang IVF. Gayonman, wala pang opisyal na ebidensiyang inilalabas sa publiko na nagpapatunay sa pahayag na ito.

Ang isa pang isyung lumalabas ay ang umano’y nakasaad sa birth certificate raw ng kanilang latest IVF baby, na si Aian daw ang “mother” at wala raw nakatalang ama. Ayon naman sa isang source, si Apple umano ang aktuwal na nagbuntis at nanganak sa bata.

Hanggang sa ngayon, wala pa raw opisyal na kompirmasyon mula sa mga kinauukulan hinggil sa usaping ito. Dahil dito, may mga nagtatanong kung tama ba ang mga impormasyong nakasaad sa birth certificate at kung nasunod ba ang lahat ng umiiral na batas at regulasyon sa proseso ng IVF at sa pagrerehistro ng kapanganakan.

Kung mapapatunayang may maling impormasyon sa isang pampublikong dokumento, maaari itong maging usaping legal, hindi ba? May pananagutan kaya rito ang isang malaking ospital sa Makati at ang dalawang sikat na IVF doctors? Gayondin, kung may paglabag sa mga umiiral na regulasyon sa reproductive medicine, maaaring masuri rin ang naging papel ng mga institusyon at propesyonal gaya ng ospital at mga naging doktor at ang mga pumirma sa birth certificate.

Ngunit ang lahat ng ito ay nakasalalay sa magiging resulta ng anumang opisyal na imbestigasyon. Sa ngayon, mahalagang iwasan ang paghuhusga hangga’t wala pang pinal na desisyon o opisyal na pahayag mula sa mga kinauukulang awtoridad.

Ano kaya sa tingin ninyo? Dapat bang magkaroon ng imbestigasyon upang malinawan ang publiko sa isyung ito? Open po ang pahinang ito sa side nina Aian Lazaro and family.