Rose Van Ginkel paboritong gumanap na multo ng Viva
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
HINDI sinasadya pero tila paboritong gawing multo si Rose Van Ginkel ng Viva. Panglima na kasi ang pagganap niya bilang multo sa pinakabagong horror movie ng Viva Films mula sa panulat at direksiyon ni Roni S. Benaid (na direktor din ng Poon; Mary Cherry Chua; Marita; Nanay, Tatay), ang Rosariona mapapanood na sa mga sinehan simula August 5.
Hango sa isang Filipinong pamahiin, dadalhin ng Rosarioang mga manonood sa isang bangungot na ang pagdadalamhati ay mauuwi sa kamatayan.
Ayon kay direk Roni, hindi sinasadyang lagi nilang nakukuha si Rose Van para gumanap na multo.
“Noong nagkaroon ng limited series saViva One siRose Van Ginkelang multo roon parang nagkataon na ‘hala si Rose uli.’ Pero sobrang galing kasi mag-portray ng nakakatakot na role ni Rose.
“Bagamat hindi halata, magaling si Rose na mag-portray ng ganong klaseng role kaya hindi ako kinakabahan kapag siya ang cast ko,” dagdag pa ni direk Roni.
Ayon naman kay Rose Van nagulat siya na siya ang title role sa pelikula na nagkataong kapangalan niya.
“Nagulat talaga ako kasi ang name ko talaga is Rosalie. Tapos ‘yung title ‘Rosario’ kaya nasabi kong, ‘wow! para talaga siya sa akin, meant to be,” anang magandang dalaga.
At dahil suki, ikalimang pagkakataon na ito ni Rose Van na gumanap na multo.
“Ang dami ko nang nagawang horror film, pang-5th ko na ito. ‘Yung sa apat ako talaga ang multo hindi ko alam kung bakit favorite nila akong kuning multo. So, iniisip ko na lang na siguro effective talaga ako bilang multo. Kasi sa set namin kahit wala akong ginagawa nagugulat na lang sila eh,” natatawang paglalahad ni Rose Van.
“So parang naisip nila na nakakatakt talaga ako,” wika pa ni aktres.
Wala namang kakaibang naramdaman si Rose Van habang ginagawa nila ang Rosario maliban na lamang sa isang line na kapag binibigkas niya ay tumataas ang kanyang balahibo.
“So far, wala naman, itong line ko lang rito sa ‘Rosario’ medyo natakot ako kasi hindi ko siya maintindihan. Medyo roon lang ako kinakabahan everytime na nagda-dub kami.
“Actually, hindi na namin inalam kung ano ba talaga ang ibig sabihin niyon. Kasi nga baka pumasok siya sa utak ko at kinikilabutan ako,” sambit pa ni Rose Van.
At dahil nalilinya si Rose Van sa mga horror movie natanong ito kung iiwan na niya ang pagpapaseksi na madalas niyang gawin noon.
“Hindi naman. Never ko naman siyang (pagpapa-sexy) iko-close kung major project naman ang io-offer. Pero for now gusto ko ring makita ang aking acting,” anito.
Kasama ni Rose Van sa Rosario sina Aubrey Caraan, Lance Carr, Yumi Garcia, Meg Imperial, Jairus Aquino, Suzette Ranillo, at Bernadette Allyson.
Ang istorya ng Rosario ayon kay direk Roni ay mula rin sa paniwala ng karamihang Pinoy. Ayon sa tradisyon, naglalagay ng rosaryo sa kabaong para gabayan ang kaluluwa ng yumao patungo sa langit. Ngunit, kailangan itong putulin bago ilibing ang patay. Kapag hindi ito nagawa, pinaniniwalaang magdadala ito ng sumpang kamatayan sa mga naiwan—at ito mismo ang haharapin ni Beth.
Isang mapagmahal na kapatid, mapipilitang lapitan at harapin ni Beth si Ave, ang kanyang kapatid na hindi niya nakilala at nakasama sa paglaki. Pagtatagpuin sila dahil sa isang trahedya—ang pagpanaw ng kanilang ina.
Habang nagluluksa ang pamilya, isang rosaryo ang ilalagay ng kanilang relihiyosong tiyahin sa loob ng kabaong. Ngunit sa gitna ng kanilang pagdadalamhati, makakalimutan ng pamilya ang huling hakbang ng ritwal.
Hindi nagtagal, sunud-sunod ang mga nakakagimbal at hindi maipaliwanag na pangyayari. Kasama ang kanyang mga kapatid, kailangang pigilan ni Beth ang sumpa bago tuluyang maubos ang kanilang buong pamilya.
Si Beth si Aubrey, ang kapatid na desperadong iligtas ang kanyang pamilya; Si Yumi ang gaganap na Ave, ang nawalay na kapatid na madadamay sa sumpa; Si Lance si Caleb, ang dating kasintahan ni Beth na nagbabalik para tumulong wakasan ang sumpa; Si Meg si Magda, ang kanilang ate na pasan ang bigat ng responsibilidad sa pamilya; Si Jairus si James, ang maaalalahaning kapatid na umaalalay sa lahat; at si Suzette si Anne, ang tiyahing hindi sinasadyang magpapasimula ng sumpa.
Sa Rosario,may mga ritwal na hindi dapat kinakalimutan… kung ayaw mong may kapalit itong kamatayan. Saksihan ang sumpang babalot sa Rosario, ngayong August 5 na sa mga sinehan sa buong bansa.
