Barbie tinigilan pagbabasa ng comments para ‘di na maapektuhan
I-FLEX
ni Jun Nardo
MATAPOS ang Pakengke Tour nina Richard Gutierrez at Barbie Imperial sa limang malalaking palengke sa Quezon City, humarap sa media ang dalawa dahil magtatapos na ang series nilang Blood Vs. Duty sa July 24.
Naalala ni Chard na noong simula ng series eh laging kabado si Barbie. Unti-unting nawala ang kaba niya habang tumatagal ang series.
Pero ang isa pang nawala kay Barbie eh ang pagtigil niya ng pagbabasa ng comments mula sa netizens na nakasisira ng araw niya.
“Kailangan kong sanayin ang sarili ko sa nababasa ko. Pero actually, hindi na ako nagbabasa!” sabi ni Barbie.
“Dati, affected siya, Naiiyak siya minsan!” sabad ni Chard.
Ang isang pinatulan ni Barbie ay ang tungkol sa bahay na pinagawa na sinasabi umanong galing sa isang politiko.
“Hindi ko talaga pinalampas ‘yun! Pinaghirapan ko ‘yung pagpapagawa ng bahay ko. Hindi ko naman inaway. Nilinaw ko lang!” rason ni Barbie.
Sa pagharap nina Richard at Barbie sa media, kitang-kita ang suporta sa isa’t isa at sa birthday ni Barbie ngayong buwan, sasamahan siya ni Chard sa Bicol upang tumulong sa mga kababayan niya roon.
Basta ang madugong bakbakan sa Blood Vs. Duty, expect more action scenes kina Chard at Barbie.
