NADISKUBRE ng mga awtoridad ang isang ilegal na bodega ng tabako sa Barangay Joson, bayan ng Carranglan, lalawigan ng Nueva Ecija na nagresulta sa pag-aresto sa limang dayuhan at pagsagip sa dalawang manggagawang Filipino.
Sa ulat ng Nueva Ecija PPO, nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang residente hinggil sa isang bodega na sinasabing sangkot sa ilegal na pagpoproseso ng tabako sa naturang barangay.
Agad nagresponde ang mga tauhan ng Carranglan MPS at sa kanilang inspeksiyon ay natuklasan ang malaking bilang ng hindi pa tapos iprosesong pinatuyong dahon ng tabako.
Napag-alaman din na ang naturang establisimiyento ay walang balidong business permit mula sa Pamahalaang Bayan ng Carranglan.
Sa isinagawang operasyon, inaresto ang limang lalaking Chinese nationals na naroroon sa lugar n gunit bigong magpakita ng kahit anong legal na dokumento na magpapatunay ng kanilang pagkakakilanlan at legal na pananatili sa Filipinas.
Samantala, dalawang manggagawang Pinoy ang nasagip at isinailalim sa protective custody ng mga awtoridad.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pulisya sa Bureau of Immigration (BI) upang beripikahin ang immigration status ng mga naarestong dayuhan.
Nakikipag-ugnayan rin ang mga awtoridad sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at Criminal Investigation and Detection Group Regional Field Unit 3 (CIDG-RFU3) bilang bahagi ng mas malalim na imbestigasyon.
Kasabay nito, patuloy na nakikipag-ugnayan ang pulisya sa National Tobacco Administration (NTA) upang matukoy ang kabuuang halaga ng mga produktong tabako at kagamitang ginamit sa operasyon.
Sa kasalukuyan, inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 laban sa mga naarestong suspek, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon kaugnay ng iba pang posibleng paglabag sa umiiral na mga batas, regulasyon sa imigrasyon, mga lokal na ordinansa, at iba pang naaangkop na batas.
Ayon kay P/Col. Ritchie Claravall, Provincial Director ng Nueva Ecija PPO, hindi nila hahayaan na umiral ang anumang ilegal na operasyon sa lalawigan. (MICKA BAUTISTA)
